Karaniwang, naiinip ang mga magkarelasyon pagkalipas ng ilang buwan o taon na magkasama sila. Ang mga sandaling magkasama ay nagiging ordinaryo na lang at nawawala na ang kilig. Maaaring lipas na ang “honeymoon phase”, pero maaari mo namang piliing buhayin ang pagmamahal para siguradong manatili ang kilig! Narito ang mga puwede mong gawin.
Hulihin ang kanilang paningin
Nakaka-init talaga ng eksena tuwing nagtatagpo kayo ng tingin ng iyong partner. Kung nais panatilihin ang kilig, dalasan ang pagtingin sa mga mata ng isa’t isa. Ayon sa isang pag-aaral na ginawa ng isang positive psychologist na si Barbara Fredrickson, tuwing nagtatagpo ng tingin ang dalwang magka-partner, sabay silang naglalabas ng oxytocin — o ang “love hormone” — sa kanilang katawan, na nakakasigla ng pakiramdam sa isa’t isa. Simpleng gawain lang ito, pero malaki ang ambag sa relasyon!
Magbahagi ng mabubuting balita
Ang capitalization ay isang konsepto sa relasyon na bihirang pag-usapan, pero nakakatibay ng pundasyon. Nagaganap ang capitalization kapag ang dalawa o higit pang tao ay nagkakaroon ng koneksyon dahil sa pagbabahagi ng positibong emosyon, at ito ay nakakapagpatibay ng pagmamahal. Ang mga simpleng sandali ng pagbabahagi ng magagandang balita sa iyong partner at pagpapalit ng mga positibong tugon ay humahantong sa mas malalim na pagsasama at mas mabuting kalusugan. Napakahalaga ng pagpapakita ng suporta sa pagpapatibay ng koneksyon ng dalawang magka-partner.
Hawakan ang isa’t isa
Sa sekswal man na konteksto o hindi, ang paghahawak sa iyong partner ay nagbibigay ng mensahe na ika’y nandiyan para sa kaniya. Pwedeng simpleng paghahawak ng kamay, pagmamasahe, o kaya paghalik sa pisngi. Isang magandang paraan para mas madama ninyo ang balat at katawan ng isa’t isa ay ang pagtulog nang nakahubad.
Palaging iniisip na maghahantong lang rin naman sa sekswal na aktibidad o pagtatalik ang pagtulog nang hubad kasama ang iyong partner, ngunit hindi naman kailangan palaging ganoon ang kaso. Kung matutulog kayo nang hubad, mas madalas at mas mahigpit ang pagyakap ninyo sa isa’t isa para umiwas sa ginaw. Nakakahikayat rin ito sa paglabas ng oxytocin sa katawan. Nakakapagpatibay ito sa koneksyon ninyong dalawa dahil sa pag-udyok ng pakiramdam ng tiwala, ginhawa, at katatagan, at nakakaangat sa atraksyon para sa isa’t isa.
Ipakita ang pagpapahalaga
Ipakita sa iyong partner kung gaano siya kahalaga sa iyo at ang kanyang mga ginagawa para sa iyo. Madaling ipuna ang kanyang mga pagkakamali o pagkukulang, pero mapapalayo ang kanyang loob sa iyo. Para hindi sila mapalayo sa iyo, ugaliing sabihin sa iyong partner kung ano ang mga tama nilang nagagawa. Nakakatulong rin ito sa kanila malaman kung ano dapat gawin nila nang mas madalas. Ikaw bahala kung paano mo ipapakita ang pagpapahalaga at pagpapasalamat mo sa kanya, kaya maging malikha sa iyong paraan — siguraduhin lang na maiintindihan nila ang nais mong iparating.
Sumubok ng kakaiba
Kapag sumubok ng kakaibang bagay, minsan doon lumalabas ang iba pang katangian na hindi mo pa nakikita sa iyong partner. Sa umpisa ng inyong relasyon, makikita niyo na parehas niyong hilig ang isang bagay. Kalaunan, makikita niyo rin na may kanya-kanya kayong mga interes at libangan na gusto. Magandang karanasan ang pagsubok ng libangan ng iyong partner, at bigyan rin siya ng pagkakataon na subukan ang hilig mo. Pwede rin namang sabay niyong subukan ang isang bagay na bago sa inyong dalawa. Makakabuo pa kayo ng magagandang alaala sa pagdiskubre ng mga bagong bagay!
Bitawan ang selpon
Kahit anong sandali na kasama ang isa’t isa ay espesyal, ngunit kung ika’y tutok sa iyong selpon, nakakasira ito sa sandali. Nakumpirma ng mga mananaliksik na nakakasira sa relasyon ang mga selpon. Pinakita ng pag-aaral na nakakasanhi ng away at pagbaba ng kasiyahan sa pagitan ng mga magkarelasyon ang paggamit ng mga selpon.
Kung gusto mong manatili ang inyong relasyon, maglaan ng oras para sa isa’t isa lamang. Ilayo ang mga selpon para siguradong walang makaka-istorbo sa inyo. Oportunidad niyo ito para kumustahin ang isa’t isa.
Mag-date kayo
Siguro sa umpisa ng inyong relasyon palagi kayong nag-de-date, at malamang nabawasan ito sa paglipas ng mga buwan o taon. Magandang pagkakataon ang pag-de-date isang beses kada buwan para balikan ang sabik at ang mga alaala ninyo sa unang yugto ng inyong relasyon. Ayon sa isang saliksik, may 14 porsyentong mas mababang tsansang maghiwalay ang mga magkarelasyon na lumalabas sa date isang beses sa isang buwan.
Hindi naman kailangan sa mamahaling restawran ang inyong date. Pwede ka maging malikha sa pamamagitan ng pagluto ng paborito ninyong putahe, at magsindi lang kayo ng mga kandila sa bahay para romantiko.
Alamin ang kanyang wika ng pagmamahal (love language)
Ang bawat tao ay may sariling paraan ng pagpapahayag ng pagmamahal. Ayon sa “Five Love Languages” ni Gary Chapman, ang mga ito ay pagtanggap ng mga regalo (gift-giving), kalidad na oras (quality time), mga salita ng pagpapatunay (words of affirmation), pagsisilbi (acts of service), at paghawak (physical touch). Kung alam mo kung ano ang wika ng pagmamahal ng iyong partner, pwede mo diskartehan kung paano mo ipapakita ang iyong pagmamahal sa paraan na mararamdaman niya talaga. Minsan, baka may gagawin ka para sa iyong partner dahil nais mong iparating na mahal mo siya, pero baka hindi nila mapansin o hindi nila ito masyado mapapahalagahan — posibleng iba ang kanilang wika ng pagmamahal mula sa iyong ginawa. Nais magbasa pa tungkol dito? Basahin ito.
Mga pinagmulan:
https://www.insider.com/how-to-keep-the-spark-in-your-relationship-2017-7#make-date-night-a-thing-6