fbpx

ALAMIN ANG KAHIT NA ANONG BAGAY TUNGKOL SA KALUSUGANG SEKSUWAL AT REPRODUKTIBO

Polycystic ovary syndrome: Lahat ng kailangan mong malaman

Pag-usapan natin ang isang pangkaraniwan kondisyon na nakakaapekto sa milyun-milyong tao sa buong mundo: Polycystic Ovarian Syndrome, o PCOS.

Ano ba ang PCOS?

Ang PCOS ay isang kondisyon kung saan ang mga ovary ay naglilikha ng masyadong maraming androgens, o mga male sex hormones, na meron rin naman sa mga kababaihan pero sa maliit na halaga lamang. Maaaring iba-iba ang mga sintomas ng maranasan ng bawat tao.

Ano bang Nagdudulot ng PCOS?

Ang tiyak na sanhi ng PCOS ay hindi pa natutukoy ng mga eksperto, ngunit ito ay pinaniniwalaan na may kasamang kumbinasyon ng mga genetic at environmental factors. Ang mga hormonal imbalances, lalo na ang mas mataas na antas ng androgens (tulad ng testosterone), ay madalas na may malaking ambag. Narito ang mga posibleng factors:

  • Genetics: Kung ang iyong ina, tita, o kapatid na babae ay may PCOS, malaki ang tsansa na magkaroon ka rin nito. Ang lahi ay may malaking ambag dito.
  • Insulin Resistance: Minsan, ang ating katawan ay hindi tumutugon nang maayos sa insulin, na kumokontrol sa blood sugar. Maaari itong mag-trigger ng mas mataas na antas ng insulin, na humahantong sa mga hormone issues at PCOS.

Pag-usapan Naman Natin ang mga Sintomas!

Minsan ‘di talaga agad-agad nalalamang may PCOS ka, at ang mga sintomas na nararanasan ng bawat isa ay maaaring mag-iba-iba. Narito ang ilang mga karaniwang sintomas:

  • Irregular Period: Isa ‘to sa mga major na senyales. Kung ang iyong menstrual cycle ay laging paiba-iba at mahirap tantyahin, maaaring PCOS ang sanhi.
  • Labis na Paglago ng Buhok: Ang PCOS ay maaaring magdulot ng hirsutism, kung saan mapapansin mo ang pagtubo ng buhok sa mga bahagi ng katawan na ‘di mo gugustuhin magkaroon ng buhok, tulad ng mukha, dibdib, o likod.
  • Acne at oily na Balat: Dahil sa hormonal imbalance, maaaring mas madalas ka magkaroon ng tigyawat at mas oily na balat.
  • Pagtaas ng Timbang: Maaaring mas madali ang pagtaas ng timbang dahil sa PCOS, at mas mahirap na mawala ito, lalo na sa may tiyan o puson.
  • Pagnipis ng Buhok: Habang maaari kang tubuan ng maraming buhok sa ibang bahagi ng katawan, maaari mo ring mapansin ang pagnipis ng buhok sa iyong anit.

Siguro iniisip mo kung posible rin bang magkaroon ng PCOS, ngunit hindi makaranas ng anumang sintomas. Ang sagot ay oo. Maraming mga tao ang hindi alam na mayroon sila nito hanggang sa nahihirapan silang mabuntis o biglang tumaas ang timbang. Mayroon ding mild PCOS, na ‘di gaano napapansin o nahahalata ang mga sintomas.

Ano bang Lunas para sa PCOS?

Bagama’t walang lunas para sa PCOS, may mga paraan upang mapawi at mapagaan ang mga sintomas nito:

  • Mga Pagbabago sa Pamumuhay: Ang pagkain ng balanseng diyeta, regular na pag-eehersisyo, at pagpapanatili ng malusog na timbang ay maaaring magbigay ng malaking ginhawa para sa mga malala ang sintomas ng PCOS.
  • Mga gamot: Ang mga oral contraceptive pills ay maaaring makatulong sa pag-regulate ng menstrual cycle, at ang mga gamot tulad ng metformin ay maaaring makatulong sa pagkontrol sa mga antas ng insulin (mabuting kumonsulta muna sa iyong doktor bago uminom ng anumang gamot!)
  • Mga Fertility Treatments: Kung sinusubukan magbuntis, maaaring magrekomenda ang iyong healthcare provider ng mga fertility treatments o assisted reproductive techniques.
  • Pag-aalis ng Buhok: Ang mga opsyon tulad ng laser hair removal at iba pa ay maaaring makatulong na pag-alis ng mga hindi ninanais na pagtubo ng buhok.
  • Pangangalaga sa Balat: May mga gamot o produkto na makakatulong sa pagkontrol ng pagtubo ng tagyawat at pag-oily ng balat.

Tandaan, iba-iba ang karanasan ng bawat taong may PCOS. Ang nakakabuti para sa isa ay maaaring hindi gumana para sa iba, kaya napakahalaga na humingi ng gabay mula sa doktor upang makuha ang lunas o gamot na pinakaangkop sa iyo.

Mga huling paalala

Maaaring makaranas ng ilang hamon dahil sa PCOS, ngunit kayang kaya ito malunasan sa tamang diskarte. Huwag mahiyang kumonsulta sa doktor kung nakakaranas ka ng mga sintomas ng PCOS. Nandito sila para tulungan kang i-navigate ang paglalakbay na ito at hanapin ang mga solusyon na pinakamabuti para sa iyong sitwasyon.

Mga pinagmulan:

Mayo Clinic Staff. (n.d.). Polycystic ovary syndrome (PCOS). Mayo Clinic. https://www.mayoclinic.org/diseases-conditions/pcos/symptoms-causes/syc-20353439 

Cleveland Clinic Medical Professional. (February 15, 2023). Cleveland Clinic. https://my.clevelandclinic.org/health/diseases/8316-polycystic-ovary-syndrome-pcos#symptoms-and-causes 

Please follow and like us:

Mag-iwan ng Tugon

Ang iyong email address ay hindi ipa-publish. Ang mga kinakailangang mga field ay markado ng *

Modal's Close Icon