Ang pakikipagtalik ay masaya at masarap, pero kailangan nating maging responsable bago sumabak sa rakrakan. Bukod sa pag-intindi sa kung paano ito magagawa nang tama, importante ring siguraduhin ang ating sekswal na kalusugan. Ang sexually-transmitted infections (o mga STI) ay walang pinipili. Kahit sinong aktibo sa pakikipagtalik, lalaki man o babae, ay maaaring magkaroon ng mga ito.
Kailangan ng mga atleta ng wastong kagamitan at regular na check-ups para sa larangan nila. Ganun din dapat tayo pagdating sa sexy time. Ang STI testing ay isang hakbang tungo sa ligtas at matinong sex life. Hindi lamang ito tungkol sa pagpoprotekta ng sarili mo kundi pagpapakita na rin ng respeto sa iyong sexual partner. Hindi basta-bastang napapansin ang mga sintomas ng ibang mga STI. Namamalagi lang sila sa iyong katawan nang ‘di mo namamalayan. Kaya naman sa pamamagitan ng regular na STI testing, malalaman mo ang tunay na kalagayan ng iyong katawan at sekswal na kalusugan.
Mga pre, pag-usapan natin ang importansya ng STI testing, at kung paano ito makakatulong sa iyong kumpiyansa’t kalusugan!
Bakit mahalagang magpa-test ang mga lalaki?
Bukod sa peace of mind na madadala nito, may iba pang maibibigay ang regular na STI testing. Una sa lahat, maaagapan mo ang mga impeksyon, sakaling magkaroon ka. Kung hahayaan lamang, maraming STI ang maaaring humantong sa malulubhang komplikasyon sa kalusugan, tulad ng pagkabaog, pagkasira ng organs, at paglala ng iba pang sakit. Sa pamamagitan ng maagang pagtukoy sa mga isyung ito, kinokontrol mo ang iyong kalusugan at binabawasan ang panganib ng mga long-term na karamdaman.
Ang pagpapa-test ay isang responsableng bagay. ‘Pag nagpa-test ka, ibig sabihin ay may concern ka sa iyong kalusugan at sa kalagayan na rin ng iyong partner. Isa itong demonstration ng pag-aalaga sa sarili, at pag-aalaga sa iyong sekswal na relasyon. Ang pagiging informed ay makapagbibigay sa’yo ng kapangyarihang gumawa ng matatalino at matitinong desisyon sa iyong sex life. Knowledge is power, ‘ika nga.
Ang pagpapasya na sumailalim sa STI testing ay isang desisyon na maging responsable’t maalalahanin na partner. Matutulungan mo ang iyong sarili at ang mga taong pinahahalagahan mo.
Paano makakapagpa-STI test ang mga lalaki?
May mga hakbang na kailangan para sa pagpapa-test. Unang-una, pag-aralan mo ang iba’t-ibang mga uri ng STI at ang kanilang mga sintomas at epekto. Malaki ang maitutulong ng kaalamang ito, at tama lang namang gawin ito kung sexually active ka.
Maganda ring magkaron kayo ni partner ng open at tapat na komunikasyon pagdating sa STI testing. Kasama ito sa pagiging responsableng partner. Posibleng maging sensitibong usapan ang pagtalakay sa mga STI, ngunit mahalaga ito sa pagpapanatili ng tiwala at pag-aalaga ng kalusugan ninyong pareho.
Simulan ang pag-uusap sa angkop na oras, kapag pareho kayong may privacy at nasa isang nakakarelaks na lugar. ‘Wag kalimutan ang respeto at pag-unawa habang kausap si babe. Tandaan ninyo na ang kalusugan ninyo ang nakasalalay dito.
Sunod ay maghanap ng testing centers o clinics na nagbibigay ng STI testing services.
Saan pwedeng pumunta ang mga lalaki para sa STI testing?
Isa sa mga pwede mong puntahan ay ang LoveYourself, isang organisasyon na nagsasagawa ng libreng testing para sa mga STI at HIV. Marami silang community centers sa bansa kung saan pwedeng-pwede ang mga walk-in.
Mayroon ding My Health Clinics sa maraming lungsod kabilang ang QC, Muntinlupa, Taguig, Manila, at Cebu. Meron silang Red Package na nasa 2,500 PHP. Kasama sa package na ito ang CBC (Complete Blood Count), HIV test, Hepatitis B test, RPR (Rapid Plasma Reagin, para sa syphilis), at urinalysis.
Bukod sa mga organisasyong ito, may mga programa’t klinika rin na pinapatakbo ng gobyerno na nagsasagawa ng STI testing at iba pang kaugnay na serbisyo. Mainam na makipag-ugnayan ka sa health center ng iyong lokal na pamahalaan. Maaari silang magbigay ng impormasyon tungkol sa mga testing center, mga iskedyul ng testing, at iba pang mga importanteng detalye.
Ang pag-aalaga sa iyong sekswal na kalusugan sa pamamagitan ng STI testing ay hindi lamang responsableng kilos. Isa rin itong uri ng pagpapahayag ng malasakit sa iyong partner.
Tandaan: ang STI testing ay makapagbibigay lakas sa’yo bilang lalaki na maging ligtas, at mapapanatili nito ang sarap at saya ng pagtatalik niyo ni babe. Mahalaga ang iyong kalusugang sekswal, pre. Kaya alagaan mo ‘yan para sa maayos at makabuluhang sex life!
Mga Pinagmulan:
- Shhh! 5 health clinics for discreet STD testing. Hello Doctor. (2023, June 14). https://hellodoctor.com.ph/sexual-wellness/std-clinic/
- Imahe mula kay tirachardz sa Freepik