fbpx

ALAMIN ANG KAHIT NA ANONG BAGAY TUNGKOL SA KALUSUGANG SEKSUWAL AT REPRODUKTIBO

Ano Ang Mararanasan Mo Kung Ikaw Ay Buntis?

pregnancy, family planning, reproductive health, pregnancy

Sumasagi ba sa isip mo na baka buntis ka? Ang tanging paraan upang makasigurado ka ay sa pamamagitan ng pagkuha ng pregnancy test. Ngunit may mga maagang sintomas ang pagbubuntis na nagsisilbing palatandaan.

Ang lahat ba ng babae ay nagkakaroon ng maagang mga sintomas ng pagbubuntis?

Ang bawat babae ay naiiba. Hindi lahat ng babae ay may parehong mga sintomas o parehong sintomas mula sa isang pagbubuntis hanggang sa susunod. Gayundin, dahil ang mga unang sintomas ng pagbubuntis ay madalas na natutulad sa nararanasan mo bago at habang ikaw ay may regla, at dahil maaari rin itong idulot ng mga hindi nauugnay na mga bagay, maaaring hindi mo mamalayan na buntis ka.

Narito ang ilan sa mga pinaka-karaniwang maagang sintomas ng pagbubuntis kada linggo. Mabuti ring kilalanin ang siklo ng regla (menstrual cycle) muna para mas madaling matansya ang pagbilang ng bawat linggo.

This image has an empty alt attribute; its file name is Website-Materials_Pregnancy-Symptoms-min-713x1024.jpg
Source: https://www.kidspot.com.au/birth/pregnancy/signs-and-symptoms/first-symptoms-of-pregnancy-what-happens-right-away/news-story/2683c7eed8bb3fe71f95599078bddea5

Unang Linggo

Hindi ka pa naman talaga buntis sa unang linggo. Mararanasan mo ang karaniwang sintomas ng premenstrual syndrome (PMS) tulad ng pananakit ng puson, pamamaga ng mga dibdib, at iba pa.

Ikalawang Linggo

Nag-o-ovulate ka sa pangalawang linggo ng iyong siklo ng regla. Sa panahon na ‘to, ang iyong obaryo ay nagpapakawala ng isang selulang itlog na maglalakbay sa fallopian tube, kung saan maghihintay ito para mapertilisa ng esperma.

Pamamaga ng dibdib at madulas na vaginal discharge (na hawig ng puti ng itlog) ay karaniwang senyales ng obulasyon.

Ikatlong Linggo

Kung matagumpay na napertilisa ng esperma ang selulang itlog, dadaloy ito papunta sa matres at didikit sa uterine lining (endometrium). Ito ay maaaring magsanhi sa pinaka-unang senyales ng pagbubuntis — spotting at, minsan, pananakit ng puson.

Pagdurugo

Tandaan na HINDI lahat ng babae ay mararanasan ang mga maaagang senyales ng pagbubuntis.

Ang kaunting pagdurugo na nararanasan 6 hanggang 12 araw pagkatapos ng konsepsyon — kung kailan nagsama na ang selulang itlog at esperma — ay tinatawag na “implantation bleeding.” Karaniwang nangyayari rin ito sa panahon na kadalasang inaasahan mong datnan ka ng regla.

Mas magaan at maikli ang implantation bleeding kumpara sa karaniwang regla. Isa o dalawang araw lang nagtatagal ang implantation bleeding at maaaring samahan ng kaunting pananakit ng puson, pero hindi kasing lala tulad ng nireregla ka. HINDI LAHAT ng babae ay mararanasan ito.

Pananakit ng puson

Ang pananakit ng puson na nararanasan sa pagbubuntis ay kahawig ng nararanasan kapag may regla, kaya may mga babae na napagkakamalan ito at ang pagdurugo na simula ng kanilang regla. Pero hindi kasing tindi o sakit ang pagdurugo at pananakit ng puson.

Bukod sa pagdurugo, maaaring mapansin rin ang puti, mala-gatas na vaginal discharge mula sa puwerta. Ito ay nauugnay sa pagkapal ng uterine lining, na nagsisimula kaagad pagkatapos na mapertilisa ang selulang itlog. Ang pagdami ng mga selyula sa uterine lining ay nagiging sanhi ng paglabas ng maputing discharge. Ang discharge na ito, na maaaring magpatuloy sa kabuuan ng pagbubuntis, ay hindi mapanganib at hindi nangangailangan ng paggamot. Ngunit kung mayroong masamang amoy na kasabay ng paglabas o mahapdi at makating sensasyon, sabihin sa iyong doktor upang masuri nila kung mayroon kang yeast o bacterial infection.

Ikaapat na Linggo

Kung higit isang linggo na ang lumipas mula sa karaniwang araw na dinadatnan ka ng regla, oras na para mag-pregnancy test.

Hindi dinatnan ng regla

Ang pinaka karaniwang at unang sintomas ng pagbubuntis — na naghihikayat na rin sa mga babae para mag-pregnancy test — ay hindi datnan ng regla. Ngunit hindi palaging pagbubuntis ang dahilan ng hindi datnan ng regla. At saka, may ibang babae na nakakaranas ng kaunting pagdurugo habang buntis. Kung ika’y kumpirmadong buntis, tanuning mo sa iyong doktor kung ano ang kailangan mong bantayan sa pagdurugo. Halimbawa, kailan ito normal at kailan ka dapat mabahala?

Pagbabago ng dibdib

Ang mga pagbabago sa dibdib ay isa pang maagang tanda ng pagbubuntis. Ang mga antas ng hormon ng isang babae ay mabilis na nagbabago pagkatapos mapertilisa ang selulang itlog. Dahil sa mga pagbabago, ang mga dibdib ay maaaring mamaga, manakit, o mangilo. O maaari itong bumigat o lumaki. Ang parte sa paligid ng mga utong, na tinatawag na areola, ay maaari ring mangitim.

May iba pang mga bagay na maaaring maging sanhi ng mga pagbabago sa dibdib. Ngunit kung ang mga pagbabago ay maagang sintomas ng pagbubuntis, tandaan na aabutin ng ilang linggo upang masanay sa mga pagbabago sa iyong mga hormon. Mawawala o gagaan rin ang pananakit kalaunan.

Ikalimang Linggo

‘Yung pagtaas ng antas ng mga hormon ay magsasanhi ng mga mood swing sa panahon na ‘to. Maliban pa dun, maaaring maranasan mo na rin ang iba pang sintomas tulad ng pagkapagod at tila palaging busog ang tiyan.

Pagkapagod o panghihina

Ang pakiramdam na sobrang pagod ay normal sa pagbubuntis. Ang isang babae ay maaaring magsimulang makaramdam ng hindi pangkaraniwang pagod isang linggo pagkatapos mapertilisa ang selulang itlog. Bakit? Madalas itong nauugnay sa mataas na antas ng hormon na tinatawag na progesterone, kahit na ang iba pang mga bagay — tulad ng mas mababang antas ng asukal sa dugo, mas mababang presyon ng dugo, at mas malakas na paggawa ng dugo — ay lahat maaaring maka-apekto. Kung ang pagkapagod ay nauugnay sa pagbubuntis, mahalaga na makakuha ng maraming pahinga. Ang pagkain ng mga pagkaing mayaman sa protina at iron ay makakatulong sa pagkontra sa matinding pagod.

Ikaanim Na Linggo

Sa pang-anim na linggo, dito na nararanasan ng ilang babae ang pinaka pinangangambahang sintomas: morning sickness. Maaari rin itong samahan ng pagbabago sa temperatura ng katawan.

Pagduduwal (morning sickness)

Ang morning sickness ay isang tipikal na sintomas ng pagbubuntis. Ngunit hindi lahat ng buntis ay nararanasan ito o hindi sa bawat pagbubuntis. Walang nakakaalam ng eksaktong sanhi ng morning sickness ngunit ang mga hormon na may kinalaman sa pagbubuntis ay maaaring sanhi ng sintomas na ito. Ang pagduduwal sa panahon ng pagbubuntis ay maaaring mangyari sa anumang oras ng araw bagama’t kadalasan itong nararanasan sa umaga.

Gayundin, ang ilang mga babae ay nanabik, o hindi gusto ang ilang mga pagkain o amoy kapag sila ay buntis. Ito rin ay may kaugnayan sa mga pagbabago sa iyong hormon. Ang epekto ay maaaring maging napakalakas na kahit na ang pag-iisip ng dating paboritong pagkain ay maaaring magpabaliktad ng sikmura ng isang buntis. Posible na ang pagduduwal, pagnanais, at pag-iwas sa ilang mga pagkain ay maaaring tumagal sa kabuuan ng iyong pagbubuntis. Sa kabutihang palad, ang mga sintomas ay nababawasan para sa maraming babae sa ika-13 o ika-14 na linggo ng kanilang pagbubuntis.

Samantala, siguraduhing malusog at masustansya ang diyeta upang makuha mo at ng iyong sanggol ang mga mahahalagang sustansya. Maaari kang makipag-usap sa iyong doktor para sa payo tungkol dito.

Ikapitong Linggo

Madalas na pag-ihi

Habang lumilipas ang mga linggo, lumalaki ng matres para sa lumalaking embryo. Naiipit ang iyong pantog at doble-trabaho ang mga bato para maglabas ng ihi. Mapapadalas kang umihi dahil dito.

Ikawalong Linggo

Sa ikawalong linggo, ramdam mo na siguro ang buong epekto ng mga sintomas ng pagbubuntis.

Iba pang sintomas na maaari mong maranasan ay altapresyon at mas mabilis na pagtibok ng puso. Sa ilang mga kaso, may mga babae na maaaring mapansin na tila mas maraming laway ang nililikha ng kanilang bibig, na maaaring magtagal hanggang dulo ng unang trimester.

Ang pagbabago sa mga hormon kasama ng pag-iwas sa kape, pagdagdag ng stress, at ang dehydration ay maaaring magsanhi ng pananakit ng ulo sa ilang babae.

Ikasiyam Na Linggo

Naaapektuhan rin ang digestive system kapag buntis. Maraming babae ang nakakaranas ng tibi at kabag sa ikasiyam na linggo. May iba rin na nakakaranas ng heartburn. Karamihan sa mga sintomas na ‘to ay mawawala rin pagkatapos ng unang trimester.

Ikasampung Linggo

Gandang ganda sa sarili? May ibang babaeng nakakaranas ng “pregnancy glow” sa unang trimester, habang ang iba ay tinatagihawat dahil sa antas ng mga hormon. Mas nahahalata na rin ang paglaki ng tiyan at dibdib.

Ikalabing-Isang Linggo

Maaaring makaranas ka ng pananakit ng puson dahil sa lumalaking tiyan. Hindi ito komportable, o baka napakasakit na mahirap tiisin.

Normal rin para sa mga buntis na magkaroon ng klarong vaginal discharge (leukorrhea), na nililikha ng katawan para mapanatiling malinis ang sarili.

Ang unang trimester ay nagtatapos sa ikalabing-dalawang linggo. Karamihan sa mga sintomas ay humihina at nawawala pagkadating mo sa pangalawang trimester.

Napaka halaga ng pag-alaga mo sa sarili kapag ika’y buntis. Umiwas sa stress, kumain ng masusustansya, matulog at magpahinga nang mabuti, at umiwas sa kape, alak, at pagsisigarilyo. Importante rin ang inyong mga check-up at pakikipag-ugnay sa doktor para masiguro na malusog kayo ng inyong baby. Huwag kakalimutan ang inyong appointment!

Kung nababahala ka sa mga sintomas na iyong nararanasan o may napansin kang kakaibang sintomas — lalo na kung pagdurugo ito — mainam na ikonsulta na ito kaagad sa doktor.

Mga pinagmulan:

https://americanpregnancy.org/getting-pregnant/early-pregnancy-symptoms/

https://www.mayoclinic.org/healthy-lifestyle/getting-pregnant/in-depth/symptoms-of-pregnancy/art-20043853

https://www.webmd.com/baby/guide/pregnancy-am-i-pregnant

https://www.parents.com/pregnancy/signs/symptoms/a-pregnancy-symptom-timeline/

https://www.healthline.com/health/pregnancy/early-symptoms-timeline#symptoms-timeline

Please follow and like us:

600 thoughts on “Ano Ang Mararanasan Mo Kung Ikaw Ay Buntis?

  1. Hi Po maytanung long Po ako noong Ni regla ako hindi masyado marami lumabas isang araw at kalahati araw lang ang regla Ko nawala na tapos may nangyari sa amen dalawa dinugo ako pula pula Talaga siya at sticky na pagdurugo pagkatapos huminto rin ang pagdurugo.

    1. Hi Erika! Baka pahabol ito ng iyong regla, o posible rin na may ibang nagdulot ng pagdurugo pagkatapos niyo magtalik. Gaano katagal ‘yung pagdurugo? Lumagpas ba ng higit sa isang araw? May ibang sintomas ka pa bang nararanasan? Para maniguro, mabuti rin magkonsulta sa doktor dahil dito.

  2. Lahat ba ng pregnant nakakaranas ng spotting or merong hindi? Pano yun edi hindi buntis kung di nakaranas ng ganon ilang days bago makaranas?

  3. Good morning po! Ako po ay nagpakabit ng implant at kung sakali buntis po ako at mag take ako ng pt positive parin po ba ang lalabas kahit na may implant po nakakabit? Or maging negative parin ang result kahit na buntis po dahil sa implant?

    1. Hi She! Ang kontraseptibong implant ay isang uri ng kontrasepsyon. Bilang isang kontrasepsyon, isa sa pangunahing silbi nito ay protektahan ka mula sa pagbubuntis. Kung buntis ka, tapos saka ka nagpalagay ng implant pagkatapos mangyari ang pagbubuntis, positive ang lalabas sa pt. Kung buntis ka na bago pa nalagay ang implant, wala po itong epekto sa pagbubuntis o pagnenegative ng pt. Kung hindi ka buntis, edi negative po ang lalabas sa pt mo. Kung nangangambang buntis, basahin po ito: https://doitright.ph/tl/oras-na-bang-mag-pregnancy-test/

  4. Hi good day po , nung ikaw pang limang araw ko po ng december 26 may nangyare samen ng bf ko pero nag jak*** muna siya tas pinunasan niya after ilang minutes po . Nag grinding lang kame at walang lumabas sa kaniya , possible po ba na mabuntis ako? Nakakaranas po kasi ako ng milky white discharge help me po please 😭🤧

    1. Hi Athena! Posibleng mabuntis kapag ang kanyang semilya o pre-cum ay nakapasok sa iyong pwerta, kahit na bahid lamang ang mayroon sa kanyang daliri tapos naipasok niya sa iyong pwerta, o kaya tumulo ang semilya o pre-cum sa iyong ari. Ngunit, kung walang pumasok o tumulo sa iyong pwerta, baka iba ang sanhi ng iyong milky white discharge. Baka makatulong rin sa iyo ang pagbasa sa mga artikulong ito:
      https://doitright.ph/tl/gabay-sa-mga-kulay-ng-vaginal-discharge/
      https://doitright.ph/tl/oras-na-bang-mag-pregnancy-test/

  5. Dok un asawa uniinom sya NG pills NG anim na taon pwd po ba syang mabuntis nun after 6 years syang magtake NG pills..

    1. Hi Lowie! Paalala lang po na hindi kami mga doktor. Kapag tinetake niya pa rin ‘yung pills nang tama, syempre hindi siya mabubuntis. Pero kapag tinigil na niya ang pag-inom nito, pwedeng-pwede pa rin siya mabuntis. Hindi mababawasan ang kanyang kakayahan na mabuntis basta itinigil niya ang pag-inom ng pills.

  6. hello po. magtatanong lang po. may nangyari po sa amin ng bf ko noong dec 24 pero hindi naman po nya naiputok sa loob kasi dinatnan naman ako nung jan 14. pero after po ng regla ko parang may lumalabas parin na kaunting dugo at my kulay brown na parang sticky. tapos sumasakit po tyan ko at nilagnat po ako ng isang beses. masakit po kapag tumae ako. ano ba ibig sabihin nun?

  7. Nag dedepo Pa ako, dapat inject ko po ng Dec 23, pero diko na po ako nag Pa inject, tapos dec29 may nangyare po.
    Tapos andami kopong nararamdaman na sintomas na buntis, Gaya ng pananamit ng puson, tas sa pamamaga ng nipple, maya’maya ihi, di paren po ako dinadatnan, minsan paghilo, nag PT po ako isang beses. Negative.
    Pwde Ren po ba magkamali ang PT?

    1. Hi Jin! Posible ring magkamali ang PT, at posible rin na masyadong maaga ka nag-PT. Kung nais mainguardo, pwede kang mag-PT uli. Kung panay negative pa rin ang resulta, mabuting magpunta sa OBGYN dahil baka may ibang sanhi ng iyong mga nararanasan, at mapayuhan ka kung kailan pwede uli magpa-inject o kung anong kontrasepsyon ang bagay sa iyo.

Mag-iwan ng Tugon

Ang iyong email address ay hindi ipa-publish. Ang mga kinakailangang mga field ay markado ng *

Modal's Close Icon