Hindi kaaya-ayang tingnan ang regla. Lalo na kapag mayroon pang buo-buong dugo ito! Malamang nakaranas ka na rin ng mga menstrual clots sa isang punto ng iyong buhay — at siguro napaisip ka na rin kung mayroon bang problema sa iyong katawan. Ang mga menstrual clots ay normal at bihirang sanhi ng malubhang karamdaman.
Bakit nagkakaroon ng buo-buong dugo?
Para maunawaan kung bakit nagkakaroon ng menstrual clots, dapat alamin mo rin ang siklo ng regla at kung ano ang nilalaman nito.
Karamihan sa mga babae ay regular ang siklo ng regla. Ang hormone na estrogen ay pinakakapal ang uterine lining (o ang endometrium) bilang paghahanda sa pagsuporta ng napertilisang selulang itlog.
Pero kapag walang pagbubuntis na nangyari, ang mga hormones ay hihikayat sa uterine lining na malusaw at dumaloy. Nangyayari ito tuwing 28 hanggang 35 araw, na siya ring pagregla mo.
Kapag nalusaw, ang uterine lining ay nahahalo sa iba pang bagay kasama ang:
- Dugo
- Mga byproduct ng dugo
- Mucus
- Tisyu
Lumalabas ito ng matris sa pamamagitan ng cervix at dadaan ito ng pwerta palabas ng katawan. Para makatulong sa pagdaloy ng dugo, ang katawan ay lumilikha ng anticoagulant. Ito ay responsable sa paglabnaw ng dugo.
Pero kapag mas mataas ang antas ng dugo kaysa sa anticoagulant na nilikha, mas mataas ang tsansa ng pamumuo ng dugo. Madalas itong mangyari sa mga araw na mabigat ang daloy ng regla, tulad sa ikalawa o ikatlong araw.
Ano ba ang normal?
Ang mga menstrual clots ay malapot at parang jelly na coagulated na dugo — ito ay kapag ang likidong dugo ay nagiging semisolid o solid.
Karaniwang walang kailangan ikabahala kapag ang menstrual clots ay hindi naman madalas mangyari at maliliit at kasing liit o mas maliit pa sa piso. Normal lang ito at hindi senyales ng malubhang kondisyon.
Normal ang iyong regla kapag apat hanggang limang araw tumatagal, at dalawa hanggang tatlong kutsarang dugo lang ito.
Kailan ba dapat ako magpakonsulta sa doktor?
Normal na magkaroon ng buo-buong dugo sa regla. Pero may ilang kaso na senyales na ito ng isang kondisyon. Kumonsulta na sa doktor kapag ang mga menstrual clots ay:
- Mas malaki sa piso
- Madalas mangyari
- Kasabay ng mabigat na daloy ng regla, na kailangan magpalit ng napkin o tampon pagkatapos ng isa o dalawang oras
- Kasabay ng napakatinding pananakit ng puson
May iba’t ibang posibleng sanhi ng menstrual clots. Titingnan ng doktor ang iyong kalusugan at maaaring ipasailalim ka sa ilang pagsusuri para matukoy kung mayroon ka bang kondisyon na nagsasanhi sa menstrual clots.
Ang mga sumusunod ay ang mga karaniwang kondisyon na pwedeng dahilan ng abnormal menstrual clots:
- Uterine polyps or fibroids
- Endometriosis
- Adenomyosis
- Uterine or cervical cancer
- Hormonal imbalances
- Nakunan
- Enlarged uterus
- Bleeding disorders (tulad ng Von Willebrand disease)
May mga komplikasyon ba ito?
Isa sa mga komplikasyon ng labis na pagregla ay ang iron deficiency anemia. Nangyayari ito kapag hindi sapat ang iron sa katawan para lumikha ng mga malulusog na red blood cells. Ang mga sintomas ng anemia ay:
- Labis na pagkapagod
- Panghihina
- Pamumutla
- Mabilis hingalin
Ano ang lunas para dito?
Maaaring resetahan ka ng hormonal contraceptive gaya ng pills, para mabalanse ang antas ng mga hormones at makontrol ang labis na pagregla. Pero may ilang mga kaso na mangangailangan ng operasyon, depende kung ano ang sanhi ng mga menstrual clots.
Mga iba pang pwedeng gawin para maibsan ang menstrual clots at labis na pagregla ay:
- Pag-inom ng maraming tubig
- Pagkakaroon ng balanse at masustansyang diyeta, at kumain ng mga pagkaing siksik sa iron gaya ng seafood, red meat, at mga beans
- Mag-ehersisyo nang regular
Mga pinagmulan:
https://www.healthline.com/health/womens-health/menstrual-clots
https://www.medicalnewstoday.com/articles/322707
https://helloclue.com/articles/cycle-a-z/blood-clots-during-your-period-what-are-they