fbpx

ALAMIN ANG KAHIT NA ANONG BAGAY TUNGKOL SA KALUSUGANG SEKSUWAL AT REPRODUKTIBO

7 Sintomas ng regla na hindi mo dapat ibalewala

Iba-iba ang karanasan ng mga babae pagdating sa regla. May iba na tatlong araw lang ang pagdurugo, at may ilan naman na nagtatagal nang buong linggo. Pero halos lahat ay hindi komportable at nakakaranas ng pananakit kapag nireregla.

Madalas normal naman ang mga katamtamang sintomas, lalo na kung naaalinsunod naman ang iyong regla. Gayunman, dapat palaging obserbahan kung mayroon mang kakaibang sintomas o pagbabago sa siklo ng regla.

Maging mapagmasid sa mga sumusunod na sintomas:

Pagdurugo sa pagitan ng mga regla

May ilang mga posibleng dahilan kung bakit nakakaranas ng kakaibang pagdurugo sa pagitan ng mga regla. Kung nagpalit ng kontraseptibo bago napansin ang pagdurugo, wala dapat ikabahala.

Mga posibleng sanhi ng pagdurugo sa pagitan ng mga regla ay:

  • Nakaligtaang inumin ang pill
  • Pagsimula o pagpalit ng kontraseptibo
  • Mga sexually transmitted infections (STIs) tulad ng chlamydia at gonorrhea
  • Polycystic ovary syndrome (PCOS)
  • Pinsala sa puwerta (tulad ng dala ng pakikipagtalik)
  • Uterine polyps o fibroids
  • Pagbubuntis
  • Ectopic pregnancy o pagkalaglag
  • Perimenopause
  • Cervical, uterine, o ovarian cancer

Paglaktaw ng regla

Stress, matinding pisikal na aktibidad, at ilang mga kontraseptibo ay maaaring makaapekto sa siklo ng regla at magsanhi sa paglaktaw ng regla. Pwedeng pansamantala lang ito, at babalik rin sa normal ang susunod mong siklo.

Ang paglaktaw ng regla ay isa sa una at kadalasang sintomas ng pagbubuntis. Karaniwang bumabalik rin sa normal ang siklo ng regla kapag hindi na nagpapasuso.

Ang mga babaeng papalapit na sa menopause o nasa perimenopause ay kadalasang nakakaranas ng amenorrhea, ang kawalan ng regla bago ang menopause. Amenorrhea ito kapag:

  • Tatlo o higit pang regla ang nalaktawan
  • Hindi pa nireregla ang isang babae sa edad na 15 taong gulang

Iba pang posibleng sanhi ng amenorrhea ay:

  • Mga eating disorders tulad ng anorexia nervosa
  • Matindi, at pangmatagalang stress
  • Labis na pagdagdag o pagbawas ng timbang
  • Polycystic ovary syndrome (PCOS)

Labis na pagdurugo

Ang menorrhagia ay ang labis o matagal na regla, kung saan:

  • Ang regla ay nagtatagal nang higit sa pitong araw
  • Ang pagdurugo ay kayang makapuno ng isang napkin sa loob ng dalawang oras
  • Kailangang magpalit ng napkin sa kalagitnaan ng tulog
  • Mayroong mga blood clot sa regla na mas malaki pa sa piso

Ang hormonal imbalance o kondisyon ng matris ay mga posibleng sanhi ng labis na pagdurugo.

Matinding pananakit ng puson

Ang matinding pananakit ng puson, o dysmenorrhea sa medikal na salita, ay hindi komportable pero normal na parte ng pagregla. Pero ang matinding dysmenorrhea ay maaaring senyales ng mga kondisyon tulad ng:

  • Endometriosis
  • Adenomyosis
  • Fibroids
  • Pelvic Inflammatory Disease (PID)
  • Sexually Transmitted Infections (STIs)
  • Stress

Pananakit ng suso

Ang pamamaga at kaunting pananakit ng mga suso ay karaniwan habang nireregla at bago reglahin dahil sa pagbabago sa antas ng mga hormon. Kung matindi ang pananakit, nararanasan  sa anumang punto ng siklo ng regla, at sinasamahan ng iba pang sintomas tulad ng bukol sa suso, pagbabago sa utong o balat ng suso, posibleng senyales na ito ng isang kondisyon.

Pagtatae o pagsusuka

Normal para sa ibang babae na makaranas ng problema sa tiyan kapag malapit na reglahin o habang nireregla. Isang posibleng rason para dito ay ang paglabas ng kemikal na prostaglandins mula sa matris, na maaaring magresulta sa pagtatae, pagsusuka, at pagkahilo. Kung ito’y kakaibang sintomas para sa ‘yo, pwedeng senyales na ito ng PID o ibang kondisyon.

Clotting

Normal ang kaunting clotting kapag nireregla, lalo na sa mga araw na mabigat ang daloy ng dugo. Kung nakapansin ng mga clots na mas malaki sa piso o mas madalas kaysa sa normal, pwedeng senayles na ito ng:

  • Fibroids
  • Endometriosis
  • Adenomyosis

Kung alam mo o sa palagay mo ay ika’y buntis at nakaranas ng blood clots, baka senyales na ito ng pagkalaglag.

Iba-iba ang karanasan ng mga babae kapag nireregla. Ang mga sintomas at lebel ng hindi pagiging komportable ay iba-iba rin para sa bawat babae. Ang angkop na paggamot at lunas ay palaging depende sa sanhi, kaya laging mabuting ideya ang agarang pagkonsultasa doktor kapag may napansing kakaibang sintomas. Pwedeng senyales na ito ng kondisyon na kailangan ng agarang atensyong medikal.

Mga pinagmulan:

https://www.healthline.com/health/endotough/period-symptoms-not-to-ignore#5.-Bleeding-between-periods

https://www.medicalnewstoday.com/articles/12-period-symptoms-not-to-ignore#symtoms

Please follow and like us:

Mag-iwan ng Tugon

Ang iyong email address ay hindi ipa-publish. Ang mga kinakailangang mga field ay markado ng *

Modal's Close Icon