fbpx

ALAMIN ANG KAHIT NA ANONG BAGAY TUNGKOL SA KALUSUGANG SEKSUWAL AT REPRODUKTIBO

Abnormal Na Pagdurugo Ng Ari Ng Babae

abnormal vaginal bleeding, reproductive health, family planning

Anong Nagdudulot Ng Kakaibang Pagdurugo?

Kapag sinabing ‘spotting,’ ito ay kaunting pagdurugo mula sa pwerta kahit hindi ka pa dapat datnan ng regla. Tawag rin dito ay intermenstrual bleeding, kung saan nakakaranas ka ng spotting o pagdurugo sa pagitan ng mga regla.

Maraming nakakaranas ng intermenstrual bleeding. Hindi naman ito nakakabahala sa karamihan ng mga kaso, pero may iba na baka senyales na ito ng isang kondisyon.

Nakaranas ka na ba intermenstrual bleeding? Basahin mo kung ano ang maaaring sanhi nito.

Mga sanhi ng intermenstrual bleeding

Maraming puwedeng magdulot ng intermenstrual bleeding. Tandaan o isulat ang mga araw na napansin mo ito, pati na rin ang ibang sintomas na nararanansan mo kung mayroon man. Tutulungan ka ng iyong doktor malaman kung ano ba ang sanhi nito at papayuhan ka sa paggamot.

Hormonal Imbalance

Ang siklo ng regla ay pinamamahalaan ng dalawang hormon: ang estrogen at progesterone. Posibleng makaranas ka ng spotting kapag ang mga antas nila ay nawala sa balanse. Ilang bagay na maaaring makaapekto sa balanse ng iyong mga hormon ay:

  • Dysfunctional ovaries
  • Problema sa thyroid gland
  • Pagumpisa o pagtigil ng pag-inom ng oral contraceptive pill (pero magbabalanse rin ito kalaunan)

Uterine fibroid

Ang mga uterine fibroid ay hindi nagdudulot ng kanser, at tumutubo ang mga ito sa loob ng matres. Karaniwang, sila ay benign at kusang lumiliit. Maliban sa intermenstrual bleeding, ang ibang sintomas ng mga fibroid ay:

  • Mabigat o mahabang daloy ng regla
  • Pananakit ng balakang
  • Pananakit ng bandang ibabang likod
  • Pananakit tuwing nagtatalik
  • Problema sa pag-ihi

May ibang babae na baka walang maranasang sintomas.

Mga sexually transmitted infection

Ang mga sexually transmitted infection (STI) tulad ng chlamydia at gonorrhea ay puwedeng magsanhi ng intermenstrual bleeding o pagdurugo pagkatapos magtalik. Iba pang sintomas ng STI ay:

  • Pananakit tuwing umiihi
  • Puti, dilaw, o berdeng vaginal discharge
  • Pangangati ng pwerta o anus
  • Pananakit ng balakang

Madaling magamot at hindi magdudulot ng mga komplikasyon ang STI, basta lubos at maayos na nagamot nang maaga. Makipag-ugnay kaagad sa iyong doktor kung sa palagay mo mayroon kang STI.

Pelvic Inflammatory Disease

Puwede kang magkaroon ng pelvic inflammatory disease (PID) kung ang bakterya mula sa pwerta ay kumalat sa matres, mga fallopian tube, at obaryo. Ang pamamaga ng organong reproduktibo ay maghahantong sa pagsusugat. Iba pang sintomas ng PID maliban sa intermenstrual bleeding ay:

  • Pananakit habang nagtatalik o umiihi
  • Pananakit ng bandang itaas o ibaba ng puson
  • Lagnat
  • Labis o mabahong vaginal discharge

Makipag-ugnay kaagad sa doktor kung nakakaranas ka ng mga sintomas ng PID. maaari itong magamot at mapigilan lumala kung naagapan kaagad.

Kanser

Sa ilang kaso, may mga uri ng kanser na nagdudulot ng intermenstrual bleeding. Ito ay:

  • Endometrial o uterine cancer
  • Cervical cancer (kanser sa serviks)
  • Ovarian cancer (kanser sa obaryo)
  • Vaginal cancer (kanser sa puwerta)

Komplikasyon Sa Pagbubuntis

Maraming babae ang nakakaranas ng spotting o pagdurugo sa unang tatlong buwan ng kanilang pagbubuntis. Kaunti lang ang pagdurugo at karaniwang kulay rosas, pula, o kayumanggi.

Mga komplikasyon tulad ng pagkalaglag at ectopic pregnancy ay maaaring magsanhi sa pagdurugo habang nagbubuntis.

Kung nakakaranas ka ng pagdurugo, hindi naman ibig sabihin kaagad na komplikasyon na ito. Mabuting makipag-ugnay sa iyong doktor sa lalong madaling panahon kung nakakaranas ka ng pagdurugo habang nagbubuntis, lalo na kung marami ito at sinamahan ng pananakit ng balakang.

Kontrasepsyon

Normal lang makaranas ng intermenstrual bleeding sa unang tatlong buwan ng paggamot ng kontraseptibo gaya ng mga pill, IUD, implant, at injectable. Mawawala rin ang pagdurugo kapag nasanay na ang katawan sa kontraseptibo.

Kung madami ang pagdurugo at nararanasan mo pa rin ito lagpas tatlong buwan, mabuting kumonsulta na sa doktor ukol dito. Baka magrekumenda siya ng ibang kontraspetibo para sa iyo.

Puwede ring mangyari ang intermenstrual bleeding kapag hindi mo sinunod ang tamang paggamit o pag-inom ng kontraseptibo. Halimbawa nito ay ang kapag nakaligtaan uminom ng pill.

Obulasyon

May ibang babae na nakakaranas ng ovulation spotting sa pagitan ng kanilang regla. Nangyayari ang pagdurugo tuwing obulasyon, kung kailan nagpapakawala ng selulang itlog ang obaryo. Basahin ang higit pang impormasyon dito.

Implantation

Isa sa mga unang senyales ng pagbubuntis ay ang implantation bleeding, pero hindi lahat ng babae ay makakaranas nito. Nangyayari ito kapag ang napertilisang selulang itlog ay dumikit na sa uterine lining.

Karaniwang nangyayari ang implantation bleeding ilang araw bago mo inaasahan dumating ang iyong regla. Mas kaunti at sandali ang pagdurugo kumpara sa karaniwang regla.

Perimenopause

Ang perimenopause ay ang unang hakbang bago ang menopos. Hindi na balanse ang mga hormon sa yugtong ito. Hindi na regular ang pagregla, makakaranas na ng spotting at kakaibang pagdurugo, at may ilang buwan na maaaring hindi datnan ng regla.

Trauma

Puwede ring magdulot ng intermenstrual bleeding mula sa trauma o pinsala sa puwerta o serviks. Maaaaring galing ito sa:

  • Sexual assault (rape)
  • Marahas na pagtatalik
  • Isang bagay, tulad ng tampon o laruang sekswal
  • Isang pagsusuri o operasyon, tulad ng pelvic exam

Mga uterine o cervical polyp

Ang mga polyp ay abnormal na paglago ng tisyu sa katawan. Matatagpuan ang mga ito sa matres o serviks. Karaniwan, hindi ito nagdudulot ng kanser.

Ang mga cervical polyp ay madalas na hindi nagpapakita ng sintomas, pero maaari silang magdulot ng:

  • Kaunting pagdurugo pagktapos magtalik
  • Kaunting pagdurugo sa pagitan ng mga regla
  • Kakaibang vaginal discharge

Sa karamihan ng mga kaso, hindi kailangan sumailalim sa paggamot, maliban na lang kung nakakaranas ng nakakabahalang sintomas. Kung inirekumenda ng doktor na alisin ang mga polyp, madali lang ito at hindi masyadong masakit.

Ang mga uterine polyp ay mas karaniwan sa mga babae na tapos na magmenopos. Ang iba makakaranas ng kaunting pagdurugo, habang ang iba naman walang sintomas.

Endometriosis

Ang endometriosis ay isang kondisyon kung saan ang uterine lining ang lumalago sa ibang parte kung saan hindi dapat. Ang iba pang sintomas ay:

  • Pananakit ng balakang
  • Masakit na pagregla
  • Mabigat na daloy ng regla
  • Pananakit habang nagtatalik
  • Kahirapan magbuntis
  • Pananakit tuwing umiihi o tumatae
  • Pagtatae, tibi, o pagkahilo
  • Panghihina

Polycystic ovary syndrome (PCOS)

Ang PCOS ay isang kondisyon kung saan ang mga obaryo o adrenal gland ay lumilikha ng labis na “panlalaking” hormon. Para sa ilang babae na may PCOS, hindi sila nireregla o iilang beses lamang sa isang taon.

Maliban sa intermenstrual bleeding, ang iba pang sintomas ng PCOS ay:

  • Hindi regular na pagregla
  • Pananakit ng balakang
  • Pagdagdag ng timbang
  • Labis na paglago ng buhok sa mga parte na hindi dapat
  • Kahirapan mabuntis
  • Taghiawat

Stress

Maraming paraan naaapektuhan ang iyong katawan kapag ika’y nastress. May ibang babae na nakakaranas ng intermenstrual bleeding dahil sa mataas na antas ng pisikal o emosyonal na stress.

Mga gamot

May ilang mga gamot tulad ng blood thinner, gamot para sa thyroid, at mga hormonal na gamot na nagdudulot ng intermenstrual bleeding.

Iba pang sanhi

Sa ilang bihirang kaso, ang diyabetis, liver disease, kidney disease, at pagdagdag o pagbawas sa timbang ay maaari ring magdulot ng intermenstrual bleeding.

Anong dapat gawin

Kung sa palagay mo ang nararanasan mong spotting ay sintomas ng pagbubuntis, mag-pregnancy test para malaman mo. Pero kung nakumpirma mo nang buntis ka at nakakaranas ka ng pagdurugo, ipaalam ito sa iyong doktor kaagad.

Kumonsulta sa doktor kung nakakaranas ka ng intermenstrual bleeding. Ang sanhi nito ay baka nangangailangan ng agarang atensyong medikal. Makakatulong rin sa iyong doktor malaman ang sanhi kung sinusulat mo ang mga araw na nakakaranas ka ng intermenstrual bleeding, at ang iba pang sintomas na nararamdaman mo.

Mga iba pang sintomas na dapat mong bantayan ay:

  • Lagnat
  • Pananakit
  • Pagkahilo
  • Madaling magpasa

Ang mga babaeng nakakaranas ng pagdurugo kahit na nagmenopos na sila ay dapat magpunta na sa doktor kaagad.

Kung ang intermenstrual bleeding ay nagsimula lamang mula noong unang gamit o inom mo ng kontrasepsyon, bigyan ito ng tatlo hanggang anim na buwan para masanay ang katawan. Kausapin ang doktor kung lumala o tumagal ang pagdurugo.

Paggamot at pag-iwas

Walang home remedy para sa intermenstrual bleeding. Ang tamang paggamot para sa iyo ay nakadepende sa sanhi nito, kaya napakahalagang magpasuri sa doktor.

Kung gumagamit ng kontraseptibo, gamitin ito nang tama ayon sa tagubilin at payo ng doktor. Subukan rin bawasan ang stress sa pamamagitan ng paglaan ng oras para magrelaks. Nakakabuti rin sa katawan ang mabuting pamumuhay. Mag-ehersisyo nang regular, at kumain ng masustansyang pagkain.

Maraming posibleng sanhi ng intermenstrual bleeding. May ilan na kailangan ng atensyong medikal at paggamot, pero ang iba naman ay walang kailangan ikabahala. Anumang intermenstrual bleeding ay dapat ikonsulta kaagad. Ang tanging paraan para malaman ang sanhi ay sa pamamagitan ng pagpapasuri sa doktor.

Mga pinagmulan:

https://www.healthline.com/health/vaginal-bleeding-between-periods#seek-medical-help

https://www.healthline.com/health/womens-health/spotting-before-periods

https://www.medicalnewstoday.com/articles/321811

https://www.webmd.com/women/spotting-between-periods

Please follow and like us:

732 thoughts on “Abnormal Na Pagdurugo Ng Ari Ng Babae

  1. Dok normal lng po ba ang mtagal mg mens umabot n ng. 1week kht uminom ng diane 35 nung naubos po ung pills in 3 days ska plng ako ng period 1week n in 5 days uminom ulit ako ng dian pills po ngayun mlakas p din bleeding my mga buo png dugo minsan n discharge my case po ako ng indemotreosis ky pinag pills ako ng ob ko im 47 years old going to 48 normal lng po b na 7 days di tumitigil ung period ko kht ng take nko ng another banig ng pills n diane 35 di p po ako nkka balik s ob ko sana po msagot dok slamat my case din po ako ng hypertyroid last 2yeats n

  2. Good day,ask ko lang po kasi this past few days bago pa po ako datnan, dinudugo na po ako and that was the 1st time na nag ka red spot po ako bago pa sa mismong period ko po. And now po hindi ko po alam kung period ko po ba to kasi umabot na halos ng 1linggo yung dugo na lumalabas:(( pero unti lang po sya:((

    1. Hi, Kate! Maraming posibleng sanhi ng pagdurugo, kasama na rito ang stress, timbang, diyeta, pagbabago sa antas ng mga hormon, at iba pa. Baka makatulong po sa inyo ang pagbabawas sa stress at paggawa ng libangan na nakakarelaks. May ibang sintomas pa po bang nararanasan? Kung oo, mabuting makipag-ugnay na sa OB/GYN o malapit na health center para masuri kung ano sanhi nito at mapayuhan ka kung ano pwedeng lunas, lalo na kung nakakaranas ng iba pang sintomas o nahihirapan kumilos sa araw-araw na gawain. Basahin rin po ito: https://doitright.ph/tl/abnormal-na-pagdurugo-ng-ari-ng-babae/

Mag-iwan ng Tugon

Ang iyong email address ay hindi ipa-publish.

Modal's Close Icon