fbpx

ALAMIN ANG KAHIT NA ANONG BAGAY TUNGKOL SA KALUSUGANG SEKSUWAL AT REPRODUKTIBO

Aksyon Maliban Sa Proteksyon: Iba Pang Benepisyo Ng Pills

non-contraceptive benefits of pills

Ang mga oral contraceptive pill o “pills” ay naglalaman ng mga hormong estrogen at progestin na katulad lang rin ng mga likas na hormon na ginagawa ng katawan ng babae. Ang mga hormon na ito ay gumagawa ng ilang bagay para masiguro na walang mangyayaring pagbubuntis: pinipigilan nilang gumawa ng selulang itlog ang mga obaryo para walang ipepertilisa ang mga esperma; pinapanipis nila ang uterine lining para walang makakakapit kung sakalaing napertilisa ng esperma ang selulang itlog,at; pinapalapot nila ang uhog ng serviks para mapigilang makapasok ang mga esperma.

Ang mga benepisyo ng pills ay hindi lamang pagpipigil sa pagbubuntis. May mga babae ring gumagamit ng pills hindi bilang kontrasepsyon, pero bilang gamot para sa kanilang problema sa pagregla o mga hormon. Kung tama at regular kang nagpi-pill, maaari mo ring maranasan ang mga benepisyong ito.

Pag-Ayos Sa Siklo Ng Regla

Ang estrogen at progestin sa mga pill ay nakakatulong mabalanse ang mga hormon (na siyang nakakasanhi sa hindi regular na pagregla, labis na regla, at mga sintomas ng polycystic ovarian syndrome, o PCOS, dahil sa kawalan ng balanse). Ang mga pill ay sumusuporta sa likas na paggawa ng mga hormon at pinupunan ang pagkawala ng balanse para maging regular ang pagregla.

Nakakatulong Sa Mga Problema Sa Regla

Ang mga babaeng nagpi-pill ay may mas mababang tsansa na makaranas ng labis na pagdurugo dahil ang progestin ay nakakanipis sa uterine lining (na siyang nilalaman ng dugo ng regla). Mas bihira ring makakaranas ng pananakit ng puson kapag hindi gaano kalabis ang pagdurugo.

Nakakababa Sa Panganib Ng Anemia

Nakakasanhi rin ng iron-deficiency anemia sa mga babae ang labis na pagdurugo dahil sa dami ng nilalabas ng dugo ng katawan kapag nireregla. Kapag mas magaan ang pagdurugo, mas mababa rin ang tsansa na magkaroon ng iron-deficiency anemia.

Nakakabawas Sa Taghiawat At Hindi Kanais-Nais Na Buhok

Ang mga babae ay likas na lumilikha ng androgen, isang panlalaking hormon, sa kanilang katawan. Kapag napasobra ito o naging sensitibo dito, magreresulta ito sa pagtubo ng hindi kanais-nais na buhok sa iba’t ibang parte ng katawan gaya ng bigote, baba, gitna ng mga suso, ilalim ng pusod, o mga hita.

Ang mga pill ay nakakatulong sa pagbalanse ng mga hormon, kasama na ang antas ng androgen na nililikha ng mga obaryo. Tama at regular na paggamit ng mga pill ay maaaring makakontrol sa paglago ng taghiawat at hindi kanais-nais na buhok.

Nakakapawi Sa Mga Sintomas Ng PMS At PMDD

Kadalasang nakakaranas ng premenstrual syndrome (PMS) at premenstrual dysphoric disorder (PMDD) ang mga babae ilang linggo o araw bago reglahin. Ilan sa mga sintomas ng PMS ay pananakit ng puson, nasasabik sa pagkain, pananakit ng mga suso, parang palaging puno ang puson o tiyan, pabago-bago ang emosyon, at mabilis mapagod; ngunit para sa mga babaeng nakakaranas ng PMDD, mas marami ang mga pisikal at emosyonal na sintomas, at maaaring makaabala sa araw-araw na gawain.

Tinutukoy pa ng mga doktor ang tiyak na sanhi ng PMS at PMDD, pero ayon sa mga babaeng gumagamit ng pill, ang mga ito ay nakatulong mabawasan ang nararanasan nilang sintomas. Mga pagbabago sa antas ng mga hormon kaya ang dulot ng PMS at PMDD? Posible, pero mabuting kumonsulta sa doktor, lalo na kung nakakabahala na ang mga sintomas.

Para Sa Mga Ovarian Cyst

Ang polycystic ovarian syndrome (PCOS) ay isang kondisyon kung saan ang kawalan ng balanse sa mga hormon ay nagreresulta sa hindi regular na regla, labis na paglago ng hindi kanais-nais na buho at taghiawat, at mga ovarian cyst. Nakakdulot ng pananakit o pamamaga ang mga ovarian cyst, na hindi komportable sa mga babae. Ang mga pill ay nakakabalanse sa mga hormong ginagawa ng katawan, at makapigil sa pagdami o pagbalik ng mga cyst.

Para Sa Endometriosis

Endometriosis ang tawag sa pagtubo ng uterine lining (endometrium) sa labas ng matris. Ang endometrium ay magdurugo tuwing nireregla kahit saan pa siya tumubo, at magreresulta sa pananakit lalo na kung nasa parte siya na mahirap lumabas ang dugo sa katawan.

Hindi makakagamot sa endometriosis ang mga pill, ngunit makakatulong ito sa pagbabawas ng sakit. Ang progestin sa mga pill ay nakakanipis sa endometrium, at nakakabawas sa pagdurugo.

Nakakabawas Sa Panganib Ng Ovarian Cancer At Endometrial Cancer

May ilang mga pananaliksik na nagpapakita na ang mga babaeng gumagamit o gumamit ng mga pill ay may mas mababang tsansa na magkaroon ng ilang klase ng kanser.

Dahil nga ang mga pill ay nakakanipis sa endometrium sa pamamagitan ng pagkontrol sa mga endometrial cell at pagpigil ng pagtubo ng endometrium sa mga parte na hindi dapat, ang mga babaeng gumagamit ng pills ay maaaring magkaroon ng mas mababang tsansa na makakuha ng endometrial cancer.

Ang mga pill rin ay nakakakontrol sa dalas ng obulasyon ng isang babae, na nakakabawas rin sa paglikha ng mga obaryo ng mga likas na pambabaeng hormon. Naniniwala ang mga eksperto na ito ay posibleng dahilan kung bakit mababa ang kaso ng ovarian cancer sa mga babaeng gumagamit o gumamit ng mga pill, kumpara sa mga babaeng hindi nagpi-pills.

Baka nahihikayat na kayo magsimula gumamit ng mga pill dahil sa mga benepisyo nito, ngunit may ilang mga bagay na kailangan niyo munang isaisip. Mabuting magpunta muna sa iyong doktor para makonsulta kung mainam ba ang mga pill para sa iyo.

Mga pinagmulan:

https://www.healthline.com/health/birth-control-benefits#menstrual-migraine-relief

https://www.webmd.com/sex/birth-control/other-benefits-birth-control#1

Please follow and like us:

Mag-iwan ng Tugon

Ang iyong email address ay hindi ipa-publish.

Modal's Close Icon