fbpx

ALAMIN ANG KAHIT NA ANONG BAGAY TUNGKOL SA KALUSUGANG SEKSUWAL AT REPRODUKTIBO

Ang Kahulugan ng Iyong mga Sekswal na Pantasya

Ang pag-explore sa iyong sekswalidad ay maaaring maging masaya’t kapanapanabik na karanasan, at walang masama sa pagkilala sa iyong mga pagnanasa, kahit na mga pantasya’t mga fetish. Ang mga ito ay produkto lamang ng iyong pag-iisip na maaaring sumulpot sa iyong ulo sa kahit anong oras. Gayunpaman, may malalalim ding kahulugan ang mga ito.

Ayon sa sex psychologist na si Dr. Justin Lehmiller, ang ating mga pantasyang sekswal ay maaaring maimpluwensiyahan ng mga karanasan natin sa buhay. Maaari silang gumana bilang mga bintana na nagpapakita ng ating pinakamalalim na hangarin, paniniwala, at pangangailangan.

Si Lehmiller ay isang social psychologist at eksperto sa sekswalidad ng tao sa Kinsey Institute for Research in Sex, Gender, and Reproduction. Nagsagawa siya ng isang malaking survey tungkol sa mga pantasya at mga fetish ng mga tao, at inilathala niya ang kanyang mga nadiskubre sa kanyang aklat na “Tell Me What You Want” noong 2018.

Doon, tinalakay niya ang mga posibleng ugat ng iba’t ibang pantasyang sekswal at kung paano nauugnay ang mga ito sa personalidad ng isang tao. Nagawa niya ang pagsubok na ito sa pamamagitan ng pag-interview ng mahigit 4,000 tao. Ayon sa kanyang mga nasulat na obserbasyon, ang mga erotikong pantasya ay kadalasang nakadikit sa emosyonal na pangangailangan ng mga tao. 

Narito ang isang diskusyon ng ilan sa mga bagay na natutunan niya sa kanyang pag-aaral.

Kung pinagpapantasyahan mo ang group sex at polyamory (o pagkakaroon ng sekswal na relasyon sa higit sa isang tao)…

malamang ay isa kang extrovert o hindi mahiyaing indibidwal. Ikaw ay may sapat na kumpiyansa sa sarili at madali lang para sa’yo na lumapit sa mga ‘di kilala at makipag-usap sa kanila.

Maaaring mabilis kang mawalan ng gana o interes na makipag-usap sa isang tao nang matagal, at posible ring ganun ka pagdating sa iyong sex life. Kaya naman ang pakikipagtalik sa higit sa isang partner ay kapana-panabik sa iyong damdamin.

Kung isang tao lang ang nilalaman ng iyong mga pantasya…

malamang ay empath ka o isang tao na mapagmalasakit at naghahangad ng malalim na koneksyon sa iyong mga relasyon.

Malamang din ay walang laman na elemento ng kontrol o pinsala ang iyong mga sekswal na pantasya. Sa halip, gusto mo ng madamdaming pakikipagtalik na may maayos na komunikasyon at pagpapahalaga sa isa’t isa. Hindi kataka-taka kung ganun din ang hinahangad mo sa iyong love life.

Kung palagi kang nag-iisip ng mga bagong karanasang sekswal…

maaaring ikaw ay isang detail-oriented person o tao na mahilig pumansin sa mga detalye.

Iniisip at binibigyan mo ng pansin ang tagpo ng pagtatalik; kung paano umiinit ang mga kaganapan; kung gagamit ba ng sex toys; at kung paano gagamitin ang mga ito. Para sa’yo, malaking bahagi ng pakikipagtalik ang mga detalyeng maaaring maliit lamang sa iba.

Posible rin na ang iyong mga sekswal na pantasya ay may mga detalye na sumasalungat sa iyong pang-araw-araw na buhay at kapaligiran.

Kung mayroon kang mga pantasya tungkol sa BDSM…

posibleng may kagustuhan kang mawalan ng kontrol sa pang-araw-araw na buhay, o baka naman nais mong magkaroon ng mas maraming kontrol. Depende ito sa iyong karaniwang sitwasyon, kung ano ang iyong ginagawa sa trabaho, o ang iyong interes sa kapangyarihan.

Saad ni Stella Sonnenbaum, isang sex coach at therapist, na sa mga sekswal na pantasya, posibleng lumago o mawalan ng kapangyarihan ang isang tao.

Ang mga taong may matataas na posisyon sa trabaho ay posibleng maakit sa mga pantasya kung saan isinusuko nila ang kanilang kapangyarihan. Ang mga taong ito ay nakakahanap ng kasiyahan sa pagsuko ng kontrol at pagsunod sa utos ng iba.

Sa kabilang banda, ang mga madalas na kinakailangang sumunod sa mga utos ay maaaring makaramdam ng pananabik sa pagkakaroon ng kontrol sa kanilang partner sa kama. Ito’y posibleng nagmumula sa pagnanais na makaranas ng kapangyarihan.

Sa madaling salita, anuman ang hindi maibibigay sa iyo ng katotohanan, maaari mong hanapin sa pamamagitan ng mga pantasya.

Paano nabubuo ang mga sekswal na pantasya?

Walang malinaw na paliwanag kung bakit ang mga tao ay nabibighani sa mga sekswal na pantasya. Ang dalawang tao ay maaaring magkaroon ng magkakaibang dahilan para sa magkaparehong uri ng pantasya.

Sabi ni Sonnenbaum, ang mga sekswal na pantasya ay maaaring makatulong sa ilang tao na harapin ang mga trauma na naranasan nila sa nakaraan. Kumbaga, ang mga pantasya ay nagtataglay ng “healing factor” o aspetong nakakapagpagaling.

Ano ang dapat nating gawin?

Wala! Wala naman talaga tayong magagawa sa mga bagay na pumapasok sa ating mga isipan. Ang makokontrol lang natin ay kung paano tayo kikilos batay sa mga pantasyang ito. 

Mahalagang magkaroon kayo ng partner mo ng maayos na komunikasyon tungkol sa mga ninanasa at limitasyon ninyo. Sa pamamagitan ng klarong pag-uusap, mapapanatili niyong matatag at masaya ang inyong pagsasama.

Konklusyon

Ang mga sekswal na pantasya ay natural na bahagi ng sekswalidad ng tao, at maaari silang magbunyag ng mahahalagang detalye tungkol sa ating mga hangarin at ninanais. 

Bagama’t walang mga eksaktong eksplanasyon kung bakit tayo nagkakaroon ng mga ganito, ang pag-explore ng ating mga pantasya ay maaaring makatulong sa pagkilala ng sarili at kasiyahan sa relasyon.

Mga Pinagmulan

  • Brhlik, E. (2023, Marso 29). 7 Psychological Reasons Behind (Your) BDSM Cravings. Medium. Kinuha noong Abril 4, 2023, mula sa https://bit.ly/3yWbVFZ 
  • Naftulin, J. (2020, Hulyo 30). What your sexual fantasies could say about you, according to a sex researcher. Insider. Kinuha noong Abril 4, 2023, mula sa http://bit.ly/3KFzUQF
Please follow and like us:

One thought on “Ang Kahulugan ng Iyong mga Sekswal na Pantasya

Mag-iwan ng Tugon

Ang iyong email address ay hindi ipa-publish. Ang mga kinakailangang mga field ay markado ng *

Modal's Close Icon