fbpx

ALAMIN ANG KAHIT NA ANONG BAGAY TUNGKOL SA KALUSUGANG SEKSUWAL AT REPRODUKTIBO

Paano nagbabago ang regla sa iyong 20s, 30s, at 40s

How your menstruation changes in your 20s, 30s, and 40s

Minsan ang hassle talaga reglahin, ‘no? At isipin mo kung ilang taon mo pa ito kailangan maranasan!

Habang tumatanda, dumadaan rin sa ilang pagbabago ang iyong katawan; kasama ang iyong mga hormones at reproductive system. ‘Di mawawala ang dugo at pananakit sa regla, pero may mapapansin kang mga pagbabago habang tumatanda.

Ano bang mga pagbabagong dapat mong abangan?

Pagdadalaga

Karaniwan, ang menarche (o ang pinaka unang regla) ay nangyayari sa mga edad na 8 -14.

Normal na irregular at mahirap matantya ang regla kapag nagdadalaga. May mga buwan na ‘di talaga dadatnan, at kung minsan naman ay malala ang daloy ng regla.

Sa panahong ito, dumadaan rin sa mga pagbabago ang mga hormones. Baka abutin ng ilang taon pa bago maging regular ang siklo ng regla, kung saan mas balanse na ang mga antas ng hormones.

20s

Para sa karamihan ng babae, sa ganitong edad regular at pinaka madaling matantya ang kanilang siklo ng regla. Karaniwan, ang isang siklo ay nagtatagal ng 28 araw, pero itinuturing pa ring regular ang siklo kapag nagtatagal ng 21 hanggang 35 araw.

Napaka taas ng tsansa na mabuntis, at sa edad na ‘to rin pinaka maganda ang kondisyon ng katawan para magbuntis. Ngunit, ‘di naman lahat ng babae ay nais na magbuntis sa ganitong edad, kaya pinipili nilang gumamit ng kontraseptibo bilang proteksyon.

May mga babae na maaaring makaranas ng irregular menstruation sa ganitong edad. Ang mga karaniwang sanhi ay polycystic ovary syndrome (PCOS), madalas nase-stress, problema sa thyroid, endometriosis, at marami pang iba.

Maliban sa proteksyon mula sa pagbubuntis, ang mga kontraseptibo ay nakakatulong rin sa pag-regulate sa siklo ng regla at pagbawas sa pananakit ng puson.

Mainam na kumonsulta sa doktor kung:

  • Madalas na nakakaranas ng pagdurugo o spotting kahit ‘di nireregla o pagkatapos makipagtalik
  • Nakakaranas ng matinding pananakit habang nireregla o bago reglahin
  • Malakas ang iyong regla, kung saan kailangan mo magpalit ng napkin o tampon halos oras-oras, o kailangan pagsabayin mo ang paggamit ng napkin at tampon
  • Sa sobrang lakas ng regla, tumatagos ito sa iyong damit o bedsheet
  • Umaabot ng pitong araw ang iyong regla
  • Bigla nagiging irregular ang iyong regla kahit regular naman ang mga nakaraang siklo

30s

Para sa karamihan, walang masyadong nagbabago sa kanilang regla mula sa 20s at sa 30s.

Sinasabi man na ang 20s raw ang pinaka mabuting panahon para magbuntis, ‘di naman ibig sabihin nun na ‘di na magandang magbuntis kapag naabot mo na ang 30s. Kung kailan mo nais magbuntis — at kung hangad mo talaga — ay nasa sa’yo.

Pero habang papalapit sa late 30s, mapapansin na nagiging irregular ang regla. Ito’y dahil papasok ka na sa panibagong yugto ng buhay: ang perimenopause, na nangyayari bago ang menopause.

Nagbabago ang mga hormones sa perimenopause. Maaaring magtagal ito ng ilang buwan hanggang ilang taon. Karamihan sa mga babae ay pumapasok sa perimenopause pagkatapos ng mid-40s. May ilan naman na ‘di na ‘to nararanasan, at diretso na sa menopause. Sa perimenopause, ang regla ay nagiging irregular, at posibleng mas magaan o mabigat ang daloy kumpara sa dati.

40s

Pagpasok mo sa 40s, ‘di na masyadong naglilikha ng estrogen ang iyong mga ovaries, na nagdudulot naman ng mas ma-iikli, mas magagaan, at mas madalang na regla. Ito ay isa sa mga pinaka siguradong senyales ng perimenopause.

Kung ‘di na dinatnan ng 12 buwan nang magkakasunod, nasa menopause ka na. Ito’y karaniwang nangyayari sa late 40s o early 50s.

Lampas 40s

‘Di normal ang anumang uri ng pagdurugo sa mga babaeng postmenopausal. Kaya mabuting kumonsulta na kaagad sa doktor kapag nangyari ito. Posibleng dulot ‘to ng endometrial cancer, isang uri ng kanser na karaniwang lumalabas sa mga babaeng 50 taong gulang pataas.

Mga huling paalala

Ang pananakit ng puson ay karaniwang nararanasan kapag nireregla, pero ‘di dapat ito binabalewala kahit anumang edad

‘Wag magdalawang-isip na kumonsulta sa doktor kapag nakakaranas ng:

  • Matinding pananakit kapag nireregla
  • Anumang sakit sa balakang
  • Anumang sakit sa puson
  • Pananakit sa bandang ibabang bahagi ng likod
  • Pagregla na lagpas pitong araw
  • Buo-buong dugo sa regla

Ang mga sintomas na ito ay maaaring mga senyales ng isang sakit. Karaniwan ang mga ito, ngunit hindi ito nangangahulugan na kailangan mong tiisin ang sakit.

Huwag mag-atubiling humingi ng tulong, lalo na kapag ang iyong regla ay nakakaapekto sa iyong pang-araw-araw na gawain.

Mga pinagmulan:

Cleveland Clinic. (December 27, 2021). Is My Period Normal? How Menstrual Cycles Change with Age. https://health.clevelandclinic.org/is-my-period-normal-how-your-menstrual-cycle-change-as-you-age/ 

Healthy Set Go Team. (August 25, 2020). Is this normal? Your period in your 20s, 30s, and 40s. AllinaHealth. https://www.allinahealth.org/healthysetgo/care/is-this-normal-your-period-in-your-20s-30s-and-40s 

Thomason, K. (November 11, 2022). How Your Period Changes As You Age. Health. https://www.health.com/condition/menstruation/period-changes-age 

Wojcik, G. (December 27, 2019). Know Your Flow: How Periods Change as You Get Older. Healthline. https://www.healthline.com/health/womens-health/period-changes-20s-30s-40s-50s 

Please follow and like us:

Mag-iwan ng Tugon

Ang iyong email address ay hindi ipa-publish. Ang mga kinakailangang mga field ay markado ng *

Modal's Close Icon