Ang pagdadalaga ay panahon ng mga mahahalagang pagbabago at paglaki para sa mga kabataang babae. Ang lahat ng mga pagbabagong ito ay hindi kaagad mangyayari nang sabay-sabay, ngunit sa paglipas ng ilang buwan hanggang ilang taon. Ang pagdadalaga ay ang panahon para sa batang babae na maging isang dalaga; ito rin ang oras na nakakamit na ng kanilang katawan ang kakayahang magbuntis.
Anong Sanhi Para Magsimula ang Pagdadalaga
Ang mga hormon, likas na mga kemikal na nililikha ng katawan, ay ang nagsisimula ng mga pagbabago. Ang mga hormon na ‘to ay maghihikayat sa mga obaryo na gumawa rin ng mga hormon. Lahat nito ay sama-samang magdudulot ng mga pagbabago sa katawan habang nagdadalaga.
Kailan Magsisimula ang Pagdadalaga
Walang tiyak na edad kung kailan magsisimulang magdalaga ang isang bata. Naiiba-iba ito bawat babae. Karaniwang nagsisimulang maranasan ng mga babae ang pagbabago sa edad na 8 – 13, pero may ilan na mas maaga o mas huli nagsisimula.
Ano ang mga Pisikal na Pagbabago kapag Nagdadalaga
Ang dalawang pangunahing hormon sa mga babae ay ang oestrogen at progesterone, na siyang responsable sa mga pagbabago kapag nagdadalaga.
Mga Suso
Ang mga “bud” ay ang unang senyales ng mga lumalagong suso, na lumalaki sa ilalim ng mga utong. Maaaring maging makati o malambot ito, o kaya magkaiba ang laki. Normal lang na mukhang mas malaki ang isa kaysa sa kabila. Ang mga areola (‘yung maitim na bahagi sa paligid ng utong) ay lalawak rin.
Buhok sa Katawan
Tutubo ang buhok sa iba’t ibang bahagi ng katawan tulad ng ari, kilikili, at sa braso at binti.
Ari at Organong Reproduktibo
Ang oestrogen ay tumutulong as puwerta, matres, at mga fallopian tube na lumaki. Ang bulba ay mas halata na rin. Narito ang higit pang impormasyon ukol sa sistemang reproduktibo ng babae.
Baywang, Balakang, at Puwet
Naaapektuhan rin ng mga hormon kung saan nananatili ang taba sa katawan. Mas mahahalata na ang kurba ng baywang, balakang, at puwet dahil dito.
Tangkad
Lumalaki, lumalakas, at bumibigat ang katawan kapag nagdadalaga. Ang pinakamalaking growth rate ay maaaring magsanhi para sa ilang babae na tumangkad nang 3.2 pulgada kada taon hanggang matapos ang pagdadalaga.
Oily na Mukha at Tagihawat
Hormon ang karaniwang sanhi ng pagiging oily ang mukha at pagdami ng tagihawat. Naiipon ang oil sa balat at nababara ang mga pore, na nagreresulta sa pagtubo ng mga tagihawat sa mukha at minsan sa likod at dibdib. Mga babaeng may family history ng tagihawat ay may malaking tsansa na madalas tagihawatin rin.
Pagpapawis
Lumalaki rin ang mga sweat gland kapag nagdadalaga, kaya mas pagpapawisan ang mga babae. Magiging isyu na rin dito ang body odor. Napaka halaga ng tamang pagpapanatili ng kalinisan sa katawan para maiwasan ang body odor, tulad ng paggamit ng deodorant, pagpunas ng pawis, at regular na pagligo lalo na pagkatapos ng pisikal na aktibidad.
Regla
Ang pagsisimula ng regla ay isang pangunahing bahagi ng pagdadalaga, at nangangahulugan na ang katawan ng isang babae ay maaari nang mabuntis. Marami ring iba pang mga pagbabagong nangyayari sa loob ng isang buong buwan. Ang pananaw ng karamihan ng babae sa kanilang regla ay mabuting senyales na ang kanilang katawan ay malusog at gumagana nang maayos.
Ang mga regla ay sanhi ng mga likas na kemikal sa katawan, o mga hormon, na nagpapahiwatig sa mga obaryo na magpalaya ng isang selulang itlog isang beses sa loob ng isang buwan. Kapag nireregla, isang madugong likido na binubuo ng dugo at tisyu ay lumalabas sa ari bawat buwan. Ang likido na ito ay nabuong uterine lining na lumalago habang ang katawan ng babae ay naghahanda para sa isang pagbubuntis. Kung walang pagbubuntis na nangyari, saka dumadaloy ang uterine lining na ito papalabas ng katawan, at umpisa na ng regla. Lahat nito ay parte ng siklo ng regla, ang proseso ng katawan na responsable sa kakayahan mabuntisng isang babae.
Ang mga regla ay maaaring maging magaan, mabigat, o sa pagitan. Minsan din ang dugo ng regla ay magkakaibang mga kulay ng pula; mula sa matingkad hanggang sa maitim o naglalaman ng ilang mga buo-buong kumpol—lahat ay normal. Ang regla ay maaaring mabigat sa una o pangalawang araw, at pagkatapos ay nababawasan sa mga susunod na araw. Mahalaga dito ang kalinisan sa sarili, lalo na’t hindi pa sanay ang mga babae sa pagregla.
Tandaan na ang mga regla ay maaaring hindi regular sa una. Maaaring magkaroon ng dalawa sa isang buwan, o magkaroon ng isang buwan na walang regla. Gayundin, sa mga unang panahon ng pagregla ay maaaring tumagal lamang ng ilang araw sa ilang buwan, at hanggang sa isang linggo sa ibang buwan. Ang mga regla ay magiging mas regular sa paglipas ng panahon.
Iba Pang Pagbabago Kapag Nagdadalaga
Sa panahon ng pagdadalaga, ang mga kabataan ay hindi lamang nakakaranas ng mga pagbabago sa kanilang katawan, kundi pati na rin sa kanilang mga pag-iisip. Ang ilan sa iyong mga mararanasan ay may kinalaman sa mga pisikal na pagbabago sa edad na ito, kasama na ang mga pagbabago sa mga hormon, at utak na lumalaki kasabay ng katawan. Ang iba ay may kinalaman sa mga opinyon at pananaw ng sosyedad—pag-aalala tungkol sa pagbabago ng hitsura, mga hinihingi sa paaralan, at ang presyur na umakma sa karamihan.
Mga Mood Swing
Ang mga damdamin ay maaaring lumakas at tumind—isang minuto maaaring makaramdam ng lubos na galak, at sa susunod na minuto ay maaaring makaramdam ng lubos na pagkalungkot. Ang pagkalungkot ay maaaring maging mahirap. Kung nangyari ito, ang pakikipag-usap sa mga magulang o ibang mga mas nakatatanda na pinagkakatiwalaan para sa suporta ay pwedeng makatulong.
Sekswal na Pag-Iisip at Hangad
Maaari ring magkaroon ng higit pang mga kaisipan na sekswal at hangad. Ang mga kabataan ay nagsisimulang makaramdam ng sekswal o romantikong akit sa mga lalaki, babae, o pareho. Napag-alaman ng ilang mga kabataan na madalas sila makaramdam ng libog. Habang tumatanda sila, ang mga damdaming ito marahil ay hindi magiging kasing lakas. Ang ilang mga kabataan ay pinipiling magbati upang pakawalan ang mga damdamin na sekswal, habang ang iba ay naghihintay lamang na lumipas ang damdamin. Normal para sa parehong mga babae at lalaki na magbati nang pribado. Makakatulong ito sa mga kabataan na mas maunawaan ang kanilang mga katawan bago sila pumasok sa seksuwal na relasyon sa kalaunan.
Ang pagdadalaga ay maaaring lubos na nakalilito. Tandaan: kahit na ang mga emosyon ay maaaring hindi makontrol, ang pagbabago ng mga damdamin ay isang normal na bahagi ng paglaki. Lahat ng tao ay dumaan sa pagdadalaga at pagbibinata, kaya ang pakikipag-usap sa nakatatanda, tulad ng magulang, ay makakatulong maunawaan ang mga damdamin. Ang mga nakatatandang kapatid, pinsan, tiya at tiyo, o mga lolo at lola ay maaaring makatulong din.
Kahit na ito ay maaaring maging isang nakakabahalang oras, isang magandang pagkakataon din na malaman kung sino ka, kung ano ang iyong pinapahalagahan, at kung paano pahalagahan at respetuhin ang sarili.
Mga pinagmulan:
http://girlshealth.gov/body/puberty/changes%20mind.html
http://www.plannedparenthood.org/teens/my%20body/puberty.html
http://girlshealth.gov/body/period/index.html
https://www.familyplanning.org.nz/advice/understand-your-body/changes-at-puberty
Ang aking anak ay 13 years old last June po nagkaroon siya ng kanyang unang buwanag dalaw at hanggang ngayon po ay hindi padin ito nawawala halos nasa isang buwan na po ito…nais ko lamang po malaman kung normal lamang po ba ito o kailangan ko na po ba ipacheck up sa OB ang aking anak…sana po ay mabigyan ninyo po ng katugunan ang aking katanungan dahil nag-aalala na po ako na baka hindi po ito normal….salamat po.
Hi, Sarah! Normal po para sa mga nagdadalaga na irregular pa ang regla. Minsan sobrang haba, sobrang iksi, marami, o kaunti. Ngunit, mainam po na kumonsulta na sa Ob/Gyn ukol dito para masuri at mapayuhan kung kailangan ng paunang lunas.
Salamat Po sa impormasyon na aking nabasa …tanong ko lng Po Sana Kung normal po ba na Hindi pa ako niriregla since birth 21 years old Napo ako…and besides nanay ko kapated ko and mga pinsan nir3gla sila NG maaga and Wala sa lahi namen Ang nireregla NG matanda na…
Hi, Ann Jie! Ang karaniwang tawag sa iyong sitwasyon ay amenorrhoea. Hindi po ito malubhang sakit at masosolusyonan rin naman ito. Mainam po na kumonsulta sa OB/GYN o malapit na health center para matukoy kung ano ang sanhi ng iyong sitwasyon, at mapayuhan ka sa angkop na solusyon para sa iyo.
ask k lng po monthly po akong rineregla pero ngayong october di po ako nag-karoon? delikado po ba ito? I’m 17 yrs old
Hi Nhoemi! Tulad nga po ng inyong nabasa sa artikulong ito, normal lang po sa mga nagdadalaga katulad mo na makaranas ng irregular menstruation.
bkt di pa po ako nireregla ilang taon napo ako mag 16 ngayong dec7
Hi Chealsy! May iba na katulad mo na late nireregla. Wala naman po itong malubhang epekto sa kalusugan, at hindi kailangan ikabahala. Maaaring nasa lahi niyo rin po kasi ang late reglahin. Kung ang inyong nanay, ate, o mga pinsan ay ditanan sa mga edad na 16 o pataas, malamang ganung edad ka rin rereglahin.