fbpx

ALAMIN ANG KAHIT NA ANONG BAGAY TUNGKOL SA KALUSUGANG SEKSUWAL AT REPRODUKTIBO

Paano Dapat Kausapin ng mga Lalaki ang Kanilang Partner Tungkol sa Family Planning

Ang family planning ay isang importanteng usapin sa mundo. Isa itong esensyal na bahagi ng paghahanda para sa kinabukasan ng iyong pamilya. Importante ito para sa mga nasa relasyon, at kailangan itong gawin na may malinaw na komunikasyon.

Madaling isipin na ang pag-uusap tungkol sa family planning ay hindi basta-basta, pero madali lamang ito kung gagawin nang maayos. Pwede nitong mapalakas at mapalalim ang pagsasama ng dalawang tao.

Nandito kami para tulungan kayo, mga pare! Gagabayan namin kayo sa pakikipag-usap sa inyong mga partner tungkol sa family planning. Dahil pagdating sa mga usaping sexual and reproductive health and rights, we have to #DoItRight!

Bakit importanteng pag-usapan ang family planning?

Nakakatulong sa atin ang family planning sa maraming paraan: sa pinansiyal, mental, at emosyonal. Makakatulong ito sa pagsiguro na maayos ang kinabukasan ninyong mag-partner, kaya naman mainam na pag-usapan ito bilang magkarelasyon. Kung may nakikita kang future sa partner mo, mahalagang mag-family planning kayo. 

Heto ang ilang tips para sa pagsisimula ng pag-uusap.

Bumuo ng safe at supportive space

Kailangan itong gawin ng kahit sinong magkarelasyon. Maituturing itong bare minimum kung meron kang girlfriend o asawa. Tumitibay ang mga relasyon kapag may sapat na espasyo para sa mga wastong pag-uusap; kapag komportable ang bawat isa na magsalita.

Bago mo kausapin ang partner mo tungkol sa family planning, siguraduhin mo munang okay ang mood niya, at pareho kayong komportable na talakayin ang mga topic gaya ng pagiging magulang, kontrasepsyon, pera, atbp.

Pag-usapan ang mga gusto ninyo

Communication is key, ‘ika nga, lalo na pagdating sa mga magkarelasyon. Kailangan mong sabihin sa partner mo ang mga gusto mo. Importante rin na tanungin mo siya tungkol sa mga gusto niya. Tandaan niyong pareho na dapat maging tapat.

Pag-isipan at sagutin niyo ang mga sumusunod na tanong:

  • Nais niyo bang magkaroon ng anak? Kung oo, ilan?
  • Kung interesado kayong maging magulang, paano niyo ito ma-aafford?
  • Paano niyo pananatiliin ang init sa inyong relasyon habang nagpapalaki ng bata/mga bata?
  • Kung wala sa isip ninyo ang pagkakaroon ng anak, anu-anong kontrasepsyon o family planning methods ang gusto niyong gamitin para rito?

Para naman sa mga taong meron nang anak na pinapalaki, heto ang mga importanteng katanungan:

  • Ano ang pakiramdam ng pagiging magulang?
  • Willing ka bang ulitin ang proseso ng pag-aalaga ng bata?
  • Nagkaroon ba ng mga komplikasyon sa huling pagbubuntis?
  • Kung open kayong magkaroon pa ng anak, ma-aafford niyo ba ito?

Ang mga tanong na ito ay makakatulong sa maayos na pagpaplano para sa kinabukasan ng inyong relasyon at/o pamilya.

Makinig, at maging handang gumawa ng mga sakripisyo’t adjustment. Tandaan mong magkaibang tao kayo ng partner mo, at maaaring may pagkakaiba sa mga gusto ninyo. Maaaring kailanganing gumawa ng pagbabago sa inyong mga plano para sa inyong kinabukasan.

Ang pagiging handa sa mga pagbabago ay makakapagpatibay ng inyong relasyon, lalo na kung willing kayong pareho na harapin ang mga adjustment na kailangang gawin. Tandaan niyong ang family planning ay isang team effort; Ibig sabihin, kailangan niyong magtulungan para rito. 

Pag-usapan niyo kung paano niyo balak panindigan ang inyong mga plano

Ang family planning ay hindi nagtatapos sa pagbabahagi ng inyong mga kagustuhan. May kasunod na parte ito: ang pagsunod sa inyong mga napagplanuhan.

Heto ang mga tanong na maaaring makatulong diyan:

  • Kung open kayong magkaroon ng anak (o madagdagan ang inyong mga anak) kailan niyo balak bumuo?
  • Paano niyo balak balansihin ang career at pamilya? May partner ba na titigil sa pagtatrabaho para matutukan ang inyong mga anak, o kaya niyo bang magpatuloy sa trabaho?
  • Kung matagal niyo pang balak bumuo ng pamilya, meron ba kayong mga balak munang abutin o gawin?
  • Kung nais niyo nang magkaroon ng anak sa nalalapit na hinaharap, paano kayo iiwas sa ‘di inaasahang pagbubuntis?
  • Kung masaya na kayo sa bilang ng inyong mga anak, anu-anong kontraseptibo ang nais niyong gamitin para panindigan ito?

Ang maayos na pagsagot sa mga tanong na ito ay makakatulong sa pagguhit ng mapa para sa hinaharap ng inyong relasyon. Ang family planning ay isang pag-uusap na ‘di natatapos. Kakailanganin niyong balikan muli ang inyong mga plano at pag-isipan kung may mga kailangan bang baguhin.

Para naman sa family planning options at mga kontraseptibo, sagot namin kayo! Heto ang ilan sa mga makabagong pamamaraan ng kontrasepsyon na meron dito sa Pilipinas:

I-click niyo lang ang mga link sa taas kung nais niyo pang magbasa tungkol sa mga nabanggit na contraceptive methods. Ang mga ito’y epektibo sa pag-iwas sa ‘di inaasahang pagbubuntis kung wasto ang paggamit.

Esensyal na pag-usapan kung alin sa mga ito ang gusto niyong gamitin. Mainam na kumonsulta sa isang eksperto sa kalusugan para malaman kung anong option ang pinakabagay sa inyo. Mas maayos ang family planning kung magkasama kayo ni partner na magsasaliksik at kokonsulta sa doktor upang malaman ninyo ang choices na para sa inyo.

Bilang lalaki sa relasyon, ikaw ang tatayong haligi ng tahanan o magiging haligi sa tahanang bubuuin niyo. Ibig sabihin, kailangan mong maging matibay na haligi, yung tipong kayang-kayang protektahan ang kalusugan at kapakanan ng iyong pamilya.

Ang family planning ay hindi lang tungkol sa pagiging ligtas ngayon. Tungkol din ito sa paghahanda para sa bukas, nang sa gayon ay maging matiwasay ang buhay ninyong magkarelasyon. Kaya dapat lang na gawin ito nang tama. Remember to #DoItRight!

Pinagmulan:

  • Lindberg, S. (2021, March 19). Planning your family: Tips, questions to consider, and more. Healthline. https://bit.ly/3q2tVhc
  • Imahe mula sa Freepik
Please follow and like us:

Mag-iwan ng Tugon

Ang iyong email address ay hindi ipa-publish. Ang mga kinakailangang mga field ay markado ng *

Modal's Close Icon