fbpx

ALAMIN ANG KAHIT NA ANONG BAGAY TUNGKOL SA KALUSUGANG SEKSUWAL AT REPRODUKTIBO

Pwede bang mabuntis kapag…

Marami pa ring mga sabi-sabi at haka-haka kung paano ba nabubuntis, at pag-uusapan natin ang ilan sa artikulong ito. Magbasa pa kung nais dagdagan ang kaalaman kung paano ba nagkakaroon ng sanggol sa sinapupunan.

Paano ba nangyayari ang pagbubuntis?

Malaki ang parte ng siklo ng regla sa pagdudulot ng pagbubuntis. Buwan-buwan, mga dalawang linggo bago ang susunod na regla ng babae, isa sa kanyang obaryo (ovary) ay nagpapakawala ng selulang itlog (egg cell). Ang selulang itlog ay naglalakbay sa fallopian tube, at nananatili dito nang 12-24 oras. Maaaring mapertilisa ng esperma ang selulang itlog sa parteng ito — pero paano makakarating ang esperma doon?

Ang mga esperma ay parte ng semilya — o karaniwang tinatawag na cum — na inilalabas ng ari ng lalaki kapag nagbulalas. Kung pinasok ang ari ng lalaki sa puwerta ng babae habang nagtatalik, tapos nag-orgasmo at nagbulalas sa loob ng puwerta, ang esperma ay dadaloy mula sa puwerta at matries, at aabost sa fallopian tube. Maaaring mapertilisa ng esperma ang selulang itlog KAPAG may selulang itlog na nag-aabang sa fallopian tube.

Kung walang esperma na nakapertilisa sa selulang itlog, maglalakbay ito pababa sa matries para matunaw kasama ang kumapal na uterine lining. Malapit nang magsimula ang regla pagkatapos nito. Ang mga esperma ay kayang mabuhay nang limang araw sa loob ng katawan ng babae para maghintay na magkaroon ng selulang itlog; pero kapag walang selulang itlog ang lumabas para mapertilisa ng esperma, saka matutunaw ang esperma.

Kung may isang espermang matagumpay na naabot ang selulang itlog at napertilisa ito, ang napertilisang selula ay magsisimulang maghiwa-hiwalay para makabuo ng zygote. Tumatagal nang tatlo o apat na araw ang prosesong ito sa fallopian tube. Patuloy na naghihiwa-hiwalay ang zygote habang patungo ito sa matries, hanggang sa maging isang blastocyst ito. Saka pumupunla ang blastocyst sa endometrium, kung saan ito magiging embryo — ito na ang punto na masasabi nating buntis ang babae.

Gaano katagal ito nangyayari?

Hindi nabubuntis agad-agad pagkatapos makipagtalik. Karaniwang inaabot ng limang araw hanggang dalawang linggo ang buong proseso, kaya ang mga pregnancy test ay mabuting gawin kapag isang linggo nang delayed ang regla.

Ngunit, ang pakikipagtalik ay hindi lang naman ang pagpasok ng ari ng lalaki sa ari ng babae. May iba’t ibang bagay at sekswal na aktibidad rin na maaaring maghantong sa pagbubuntis. Narito ang ilang mga tanong na baka gumagamabala rin sa iyong isip.

Pwede bang mabuntis kapag…

Dulo lang ang pumasok

Oo. Palaging may posibilidad na mabuntis kapag napasok ang ari ng lalaki sa puwerta, kahit gaano kaliit ang bahaging napasok; ang importante dito ay kung mayroon bang semilya o pre-cum na pumasok sa puwerta.

Posibleng mabuntis basta may semilya o pre-cum — kahit gaano kakaunti — sa ari ng lalaki, at pumasok ito sa puwerta.

Kung kakabulalas lang, maaaring may bahid pa ng semilya ang kanyang ari. Pwede ring may pre-ejaculate (pre-cum) sa dulo ng ari, na posibleng may esperma at maghantong sa pagbubuntis.

Nag withdrawal method

Oo. Ang withdrawal method (kilala rin bilang pull out method) ay hindi pinakamabisang kontraseptibo. Sa katunayan, 22% ng mga taong gumagamit ng withdrawal method ay mabubuntis. Ibig sabihin, 27 sa 100 na magpartner ay mabubuntis taon-taon.

Kahit na ang lalaki ay magpull out at magbulalas sa labas ng ari ng babae, posible pa ring may esperma ang pre-cum. Kaya ang withdrawal method ay hindi ang pinakamabuting kontrasepsyon kung nais niyo ng lubos na mabisang proteksyon mula sa hindi inaasahang pagbubuntis.

Hindi nag-obyula

Oo, posible pa rin. Kahit na mas mataas ang tsansang mabuntis sa panahon ng obulasyon ng babae, hindi ibig sabihing imposible nang mabuntis sa mga araw na hindi obulasyon.

Ang mga esperma ay limang araw na nabubuhay sa loob ng katawan nang babae. Kahit na hindi obulasyon ng babae sa araw na nakipagtalik, pwedeng mabuhay pa rin ang esperma hanggang sa araw na mag-obula siya at mapertilisa ang selulang itlog.

Nakipagtalik bago reglahin

Oo. Palaging may posibilidad na mabuntis kapag nakipagtalik sa anumang punto ng siklo ng regla, pero mas mababa ang tsansa isa o dalawang araw bago reglahin.

Nakipagtalik habang nireregla

Oo. Mababa ang tsansa na mabuntis kapag nakipagtalik habang nireregla, pero hindi ibig sabihin nito na imposible na.

Kung nakipagtalik sa mga huling araw ng regla at maaga ang sunod na obulasyon, may posibilidad na ang esperma at selulang itlog ay magsabay at magtagpo para sa pertilisasyon.

Nakipagtalik pagkatapos reglahin

Oo. Mababa rin ang tsansa na mabuntis pero mas mataas nang bahagya kaysa kapag nakipagtalik habang nireregla.

Pwedeng mabuntis kapag nakipagtalik pagkatapos ng regla at napaaga ang sunod na obulasyon.

Nagfinger

Karaniwan hindi. Depende ito kung ano ang nasa daliri ng iyong partner.

Kapag ipinasok sa pwerta ang malinis na daliri na walang bahid ng semilya o pre-cum, hindi ito magsasanhi sa pagbubuntis. Pero kung mayroon itong patak ng semilya o pre-cum, may posibilidad na mabuntis.

Nagdry humping (outercourse)

Hindi. Ang pagdry hump nang may suot na damit ay hindi magreresulta sa pagbubuntis dahil walang paraan para makapasok ang semilya sa pwerta.

Nakipagtalik nang nakatayo

Oo. Anuman ang posisyong gawin, laging may posibilidad na mabuntis kapag nakipagtalik nang walang proteksyon.

Nag-anal o oral sex

Hindi, ang anal o oral sex ay hindi nagsasanhi ng pagbubuntis.

Ang bibig at pwet ay hindi karugtong sa pwerta, kaya walang daan para magkita ang esperma at selulang itlog. Pero ibang usapan na kapag ang semilya ay napunta sa pwerta sa ibang paraan tulad ng daliri.

Hindi nag-orgasmo

Oo. Ang orgasmo ay nararanasan ng mga babae at lalaki, pero posible pa rin na mabuntis kahit na ang pakikipagtalik ay hindi naghantong sa orgasmo.

Ang semilya ay lumalabas sa ari ng lalaki kapag siya’y nag-orgasmo. Pero kahit na hindi nag-orgasmo, maaari pa rin siyang maglabas ng pre-cum na posibleng may esperma na pwedeng magpertilisa sa selulang itlog.

Ano ang pwede mong gawin

Oras ang iyong kalaban kapag iniiwasan ang hindi inaasahang pagbubuntis. Narito ang iyong mga pwedeng gawin:

Gumamit ng emergency contraception

Kung hindi pa lumalagpas ng 72 oras mula nung nakipagtalik, maaari ka pa ring gumamit ng emergency contraception. Maaari itong makapigil sa pagbubuntis sa pamamagitan ng pagpigil sa obulasyon.

Mag-pregnancy test

Kapag lumipas na ng 72 oras, mabuting mag-pregnancy test.

Kapag isang linggong delayed ang regla at nakakaranas ng mga sintomas tulad ng pananakit ng mga suso, pagduduwal, at madalas na pag-ihi, oras nang mag-pregnancy test.

Paano maiiwasan ang pagbubuntis

Ang pinakamabuting paraan para maiwasan ang hindi inaasahang pagbubuntis ay ang paggamit ng mabisang kontrasepsiyon. Ang mga modernong kontraseptibo ay hanggang 99% mabisa sa pag-iwas sa pagbubuntis kapag tama at tuloy-tuloy ang paggamit. May iba’t ibang kontraseptibo para sa iba’t ibang pangangailangan at pamumuhay, kaya mabuting kumonsulta sa doktor para magabayan sa pagpili.

Mga pinagmulan:

https://www.healthline.com/health/healthy-sex/can-you-get-pregnant-if-only-the-tip-goes-in

https://www.bedsider.org/features/95-um-can-i-get-pregnant-if

https://flo.health/menstrual-cycle/sex/birth-control/can-you-get-pregnant-from-that

https://www.medicalnewstoday.com/articles/can-you-get-pregnant-if-you-wipe-sperm-inside-you

https://www.healthline.com/health/healthy-sex/pull-out-method

https://www.healthline.com/health/can-you-get-pregnant-from-the-pull-out-method

https://www.healthline.com/health/healthy-sex/can-you-get-pregnant-right-before-your-period#overview

Please follow and like us:

Mag-iwan ng Tugon

Ang iyong email address ay hindi ipa-publish.

Modal's Close Icon